'LIGTAS TIP': Paano pag inanod ng baha na may kasamang bata?

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 09:14 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Ano ba ang dapat tandaan tuwing bumabaha para matiyak ang kaligtasan ng pamilya, lalo na kung maipit sa peligro na may kasamang mga bata?

Ito ang madalas na kalbaryo ng mga taga-Bulacan kung saan ang baha dulot ng habagat ay pinalala pa ng kasabay na high tide. 

Sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Bulacan, pitong barangay sa Meycauayan, isang barangay sa Obando, at limang barangay sa Marilao ang apektado pa rin ng baha sa nakalipas na magdamag.

Kabilang ang Bulacan sa mga probinsiya sa Central at North Luzon na madalas makaranas ng pagbaha.

Ayon sa mga survival expert, mainam na antabayanan ang balita at sundin agad ang babala ng lokal na pamahalaan na lumikas kung kinakailangan.

Pero kapag naipit na sa gitna ng matinding pagbaha at may mga maliliit na bata na kasama, mahalaga na maghanap ng matibay na kakapitan.

"Imbes na puwersahin mo ang sarili mo na palutangin ang mga bata—at alam mong ikaw lang ang may kakayahang lumangoy—maghanap ka na lang ng ibang object para ma-transfer mo 'yung load [nila]...para makagalaw ka," ani Gerard Natividad, rescue and survival expert. 

Kung sakaling wala nang nagawa at naanod na kayo ng baha, may payo rin ang isa pang eksperto. 

"Ilalagay niyo lang [ang bata] sa dibdib, hahawakan ka sa armpit, then sabay pa din kayong magpapaagos, then patalikod pa din kayo sa agos," ayon kay Algie Obedencio.

Mahalaga umanong nakatalikod sa agos para hindi direktang tamaan ng tubig ang mukha ng bata.

Bukod sa pagkalunod, isa pang kalaban kapag inanod ng baha ang hypothermia o ang nakababahalang pagbaba ng temperatura ng katawan. 

Kapag ito'y nangyari, maghanap ng bagay na puwedeng humarang sa hangin para makabawas sa ginaw.

"Mag-shiver o mangining ka para mag-generate ng heat ang body. Okay lang 'yun. Natural defense mechanism ng katawan natin iyun," ani Natividad.  —Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.