Paaralan sa Oriental Mindoro nagba-barter ng halaman kapalit ng school supplies

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 12:44 PM | Updated as of Jul 14 2020 09:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - May naisip na paraan ang isang paaralan sa Oriental Mindoro para tugunan ang mga pangangailan para sa planong blended learning sa papasok na school year. 

Naisipan ng mga teacher ng Campaasan Elementary School sa Bulalacao, Oriental Mindoro na i-barter ang mga tanim nila sa paaralan para sa school supplies na magagamit sa pasukan. 

Ito'y sa gitna ng shift sa alternative learning modes dahil bawal pa ang physical classes habang wala pang bakuna laban sa COVID-19.

Samu’t saring ornamental o garden plants ang kanilang ipinamimigay sa mga donor kapalit ng bond paper, printer, at ink, gayundin ang mga alcohol, face mask, thermal scanner, at sabon. 

Ayon kay Aurea Gunta, Master Teacher 2 sa paaralan, bahagi ito ng kanilang “Halaman Ko, Barter Mo” project na layong makakuha ng pondo para sa mga materyales na gagamitin para sa learning modules. 

“Ito po ang aming mga halaman para sa aming “Halaman Ko, Barter Mo” project upang makaipon pa kami ng coupon bonds at ink para sa printing ng modules at activity sheets ng mga learners ng Campaasan Elementary School.”

Ayon sa principal na si Lucy Ferranco, pinagtulung-tulungang ayusin at ilagay sa paso ng mga guro, magulang, at ilang estudyante ang mga halaman. 

“Ito po ay upang manumbalik ang ating tradisyonal na ginagawang barteran. At the same time, mapunan po ang aming mga pangangailangan. Pangangailangan po ng aming mga kaguruan, pangangailangan po ng aming mga mag-aaral sa darating na pasukan,” ani Ferranco. 

Gagamitin ng mga guro ang supply para sa pag-iimprenta ng module na ipamimigay sa mga estudyante sa pasukan. 

Karamihan anila sa kanilang mga estudyante ay mahihirap lang at walang gadget. Kung mayroon man, hindi lahat ay may Internet connection. 

Pinakadulong bayan din ng Oriental Mindoro ang Bulalacao at hindi lahat ng bahay ay nakasasagap ng malakas na signal.

“Sana po ay ipagpatuloy ng aming minamahal na principal at kaniyang mga kasamahan sa elementary school ang ganitong mga proyekto,” ani Enrico Villas, chairman ng Barangay Campaasan. 

Tumatanggap din ang paaralan ng donasyong pera pambili ng school supplies. Maaaring ipadala ang tulong sa account na ito: 
Account Name: LUCY T. FERRANCO
Landbank 3626 0235 67
GCash/Paymaya 09194679448

— Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.