KUHA MO!: Dapat bang pumagitna sa away mag-asawa?

ABS-CBN News

Posted at May 11 2019 03:41 PM

MAYNILA — Tinuturing na karaniwan na para sa mag-asawa o magkasintahan ang magkaroon ng hindi pagkakaintindihan paminsan-minsan.

Pero dapat bang makialam dito kung maging saksi ka sa isang away na humantong na sa karahasan?

Sa pamamagitan ng isang social experiment, inalam ng programang "Kuha Mo!" ang reaksyon ng publiko kung may makitang inaabuso.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumuwesto ang mga gumanap na "mag-asawa" at kunwaring nag-aaway sa karinderya, pilahan ng tricycle, palengke, at istasyon ng bus. Matapos ang social experiment, dalawa lang ang lumapit at nagmalasakit.

"Sabi ko kawawa naman 'yung babae. Eh siyempre, may asawa rin ako, may kapatid, may ina, eh babae iyan eh. Maling saktan 'yung babae lalo na pagbuhatan ng kamay," sabi ni MMDA traffic enforcer Gerardo Acol, isa sa mga lumapit sa nagpanggap na mag-asawa.

Ayon sa Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), maaaring natakot lumapit at makialam ang mga nakakita sa away mag-asawa.

Pero may maaari raw gawin ang sino mang makasaksi sa ganoong uri ng pananakit.

“Ikaw na mamamayan na nakakita nito, puwede mong hulihin 'yung lalaking iyon. Puwede mo siyang ihiwalay. Wala kang violation na mako-commit at hindi ka rin puwedeng kasuhan kasi mayroon tayong tinatawag na citizen’s arrest,” ani Police Col. Gemma Vinluan, hepe ng PNP-WCPC.

"Ini-encourage ko 'yung social responsibility ng bawat miyembro ng community na makialam po tayo. Ang pananahimik natin o ang hindi natin pagkibo o paggawa ng aksyon sa isang krimen na ating nakikita ay nangangahulugang pagsang-ayon din natin sa nagagawang krimen," dagdag ni Vinluan.

Payo ng pulisya, maaaring i-report ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga babae sa "Aling Pulis" Hotline: 0918-777-7377.

Para sa mga nais magbahagi ng kanilang videos ng mga aksidente, sakuna at krimen, maaaring magpadala ng mensahe sa “Kuha Mo!” sa pamamagitan ng Facebook, Twitter at Instagram accounts (@KuhaMosaABSCBN) ng programa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.