Mga nagpapatrolya sa gitna ng 'hard lockdown' sa Tondo, binigyan ng meryenda ng mga residente

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 06 2020 08:37 AM

Naging pampawi ng pagod sa mga frontliner na nanatiling nakaduty sa dalawang araw ng tinaguriang "hard lockdown" sa Tondo, Maynila ang pagbibigay sa kanila ng pagkain ng mga residenteng nasa mga bahay. 

Bukod sa mga pulis at sundalo, nanguna ang mga opisyal at tanod ng barangay na sakop ng District 1 ng Tondo sa pagsigurong mananatili sa loob ng tirahan ang mga tagaroon noong lockdown na tumagal ng 48 oras mula Linggo hanggang Martes.

Nagpatrolya sila nang oras-oras o higit pa tuwing gabi para manita ng mga lumalabas sa kalye.

Sa Barangay 72, Zone 6, na wala pang naitalang kompirmadong kaso ng COVID-19, nilakad ng mga kagawad ang mga eskinita ng lugar noong huling gabi ng lockdown.

Naabutan nila ang ilang residente na nakatambay malapit sa labas ng bahay pero sinabihan na lang na pumasok.

Kuwento ni Kagawad Ronaldo Paculan na isa sa mga nagronda, halos walang pahinga ang mga opisyal ng barangay noong hard lockdown lalo't ilan lang sila. 

"Kami lang nagkikilos, nagpapalitan... Kung sino'ng available, sino naka-schedule, 'yun lang. 'Pag magpapahinga sila, palit-palitan lang kami," sabi niya. 

Bukod pa sa paninita ng mga lumalabag sa lockdown, ang mga taga-barangay din ang umaalalay kung may kailangan ang mga residente.

"Kung mayroon silang bibilhin, kami na lang ang lalabas, kami na lang ang bibili para hindi na sila lalabas, at kung may mga emergency nakahanda itong tricycle namin para madala sila.

Bilang pasasalamat, may mga nag-aabot sa mga pulis at tanod ng pangmeryenda gaya ng tinapay tuwing nag-iikot sila. Kinakain nila ito pagkatapos. 

Ayon sa kagawad, nakipagtulungan ang mga residente sa kanila. 

"Ang maganda nito, aware na 'yung tao rito sa mangyayari, kaya siguro ang resulta, COVID-free kami. 

Kaunti rin ang mga nahuli nilang taga-barangay 72 na lumabag sa lockdown, kaya mga inaresto sa ibang lugar ang nagpalipas ng gabi sa

Sa kabuuan ng hard lockdown, nasa 281 ang inarestong lumabas sa bahay kung saan 25 ay menor de edad. 

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maynila, 109 na taga-Tondo district 1 ang naitalang positibo sa ginawang rapid testing kasabay ng hard lockdown.

Kahit tapos na ito, tuloy pa rin ang curfew at pagbabantay ng mga taga-barangay laban sa pagkalat ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.