KILALANIN: Mga trabahador na 'swak' ang pangalan sa tinahak na karera

ABS-CBN News

Posted at May 01 2020 03:27 PM | Updated as of May 01 2020 10:47 PM

Watch more in iWantTFC

Bilang pagpugay sa mga manggagawang Pilipino ngayong Labor Day, kinilala ang ilang mga tinatawag na “aptronym” o pangalan ng tao na saktong-sakto o nararapat sa nagmamay-ari nito.

Halimbawa na lang ang ilang trabahador na swak ang pangalan sa trabaho nila.

Isa rito si Val Balita, na isang freelance copy-editor. Dati siyang anchor ng TV Patrol - Southern Tagalog, at desk editor ng ABS-CBN Batangas.

“Ako po si Val Balita at walong taon na po akong nasa industriya ng pagbabalita,” aniya.

“Syempre hindi natin maiiwasan na nabibiro tayo. Malaking factor siya sa name recall, base sa experience ko sa regional news, kapag may name recall mas madali kang pagkatiwalaan ng tao,” dagdag niya.

Nariyan din ang pastor na si Rommel Pastor ng Christ Centered Faith Ministry Philippines.

Kawani ng gobyerno si Pastor. Pero tuwing Linggo at araw ng pagsimba, nagtuturo siya at nangangaral ng mga salita ng Diyos.

“Bagamat ang Pastor ay hindi propesyon isa naman po itong panghabang buhay na bokasyon,” aniya.

Si Prof. Malaya Ygot ng Polytechnic University of the Philippines naman ay anak ng propesor at mamamahayag na si Bayani “Ka Bay Abadilla,” isa sa mga beterano ng first quarter story at lumaban sa rehimeng Marcos.

Pinangalanan siyang Malaya sa gitna ng rebolusyon.

Ngayon, itinataguyod niya ang malayang pamamahayag sa kaniyang pagturo.

“Tulad ng aking pangalan naniniwala ako na napakahalaga na malaya ang bawat mag-aaral na magpahayag ng kanilang niloloob, nang walang nilalabag na batas o sinasaktan na sinoman,” aniya.

Ang kasalukuyang direktor ng Criminal Investigation and Detection Group na si Joel Coronel ay minsang naging Col. Coronel. Subalit, Gen. Coronel na siya ngayon.

Freelance photographer naman at fulltime video producer ang photographer na si Nikon Celis - na nakuha ang pangalan sa tanyag na camera brand.

"Naging Nikon ang pangalan ko ang gamit ng daddy ko dati ay Nikon camera noong siya ay photographer pa,” paliwanag niya.

Mayroong kaisipan na tinatawag na “nominative determinism” kung saan ang isang tao ay nahahatak o naiimpluensiyahan ng kaniyang pangalan kaya naiimpluensiya siyang pumasok sa trabaho na kapangalan niya.

Halibawa rito si M Psylockde Dinoso, isang illustrator. Hango ang kaniyang pangalan sa dalawang mutant characters sa comic book at movie series na X-Men: sina M at Psylocke.

“Mahilig kasi sila sa comics noon. Tapos gusto ng nanay ko na katulad sa Letter M kaya M na lang talaga ‘yung binigay nilang pangalan tulad ng character,” ani Dinoso.

Ang propesor na si Lakandupil Garcia, dalubguro sa wikang Pilipino.

Ang pangalan ng kaniyang ama ay Lakandili, ang Tito niya naman ay si Kasarinlan, habang ang kaniyang mga kapatid ay pinangalanang Lakan Giting, Gloria, at Marilag.

“Ito ay katutubong pangalan na pinangatawanan ko kung ako ngayon ay dalubguro ng Wikang Filipino at nagtuturo ng panitikan ng Pilipinas,” ani Garcia.

Nakilala rin si Allan Bantay, na sekyu sa isang fast food chain.

“Sa akin sir ok lang po Bantay na guwardiya pa, (madalas ba kayong lokohin?) meron din sir. Kasama sa trabaho iyan eh,” ani Bantay, na halos 3 dekada nang guwardiya.

— Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.