Paano ipagdiriwang ang Palm Sunday sa gitna ng COVID-19 quarantine?

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2020 07:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA--Suspendido man ang misa para sa Linggo ng Palaspas (Palm Sunday) dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), may mga paraan pa rin para makiisa sa unang araw ng Semana Santa, o Holy Week, ayon sa mga miyembro ng Simbahan.

Maaari pa ring abangan online sa social media ang mga misa, na malaki umanong bagay ngayong may enhanced community quarantine, ayon kay Fr. Melvin Castro, parish priest ng Mater Dolorosa Parish.

"Salamat sa technology, nagagamit ngayon ang social media live streaming para makarating sa tao ang Santa Misa,” ani Castro.

Nauna nang sinabi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na online idadaos ang mga misa sa Semana Santa, ngayong ipinagbabawal ang mass gatherings sa ilalim ng enhanced community quarantine sa Luzon.

Ang Palm Sunday ay ang paggunita ng mga Katoliko sa pagpasok ni Hesus sa Jerusalem bago ang kaniyang kalbaryo.

Nauna na ring sinabi ng CBCP na kahit isang sanga o dahon ng halaman sa bahay ang maaaring gamitin para sa Linggo ng Palaspas.

Paalala ang yugtong ito sa mga tao na magbalik-loob sa Diyos at humingi ng tawad sa mga nagawang kasalanan, ayon kay Castro.

"Hindi gusto ng Diyos na mahirapan tayo, pero bakit niya pinapahintulutan? Panggising sa atin. Sa katarungan, ginising nya tayo. Pero sa pagiging mahabagin niya may pagkakataon tayo sa buong mundo na makapagsisi," ani Castro.

Nanawagan din si Castro na magpatuloy sa panananalig sa Diyos sa kabila ng krisis.

— Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.