Mga guro ginamit ang ipon para mamigay ng food packs sa mga estudyante ng Camarines Norte

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 02:15 PM | Updated as of Apr 01 2020 08:57 PM

Ayon sa Bayan Patroller, galing sa kanilang kaunting ipon at natira sa mga allowance nila ang nalikom na pera para sa food packs. Photos courtesy of: Marinel Ocampo

Bilang tulong sa kanilang mga estudyante sa gitna ng krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), namahagi ng relief packs ang ilang guro sa isang elementary school sa Camarines Norte. 

Sa kuha ng Bayan Patroller na si Marinel Ocampo, makikitang nakabalot sa plastic bag ang food packs. 

Naglalaman ito ng 2 kilong bigas, noodles, at delata. 

Mayroon din itong itlog, munggo, at mga sitaw para manatiling malusog ang pangagatawan ng kanilang mga estudyante. 

Ayon kay Ocampo, galing ito sa kanilang kaunting ipon at natira sa mga allowance. 

Plano pa ng mga guro na mamahagi ng relief packs sa susunod na linggo para sa ilang pamilyang hindi pa nila nabigyan.

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, tigil-operasyon muna ang ilang trabaho at ipinagbabawal ang lumabas sa bahay maliban na lang kung mamimili ng mga pagkain o gamot o kaya kinakailangang pumasok sa trabaho. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.