COVID-19 bayanihan: Ilang kabataan namigay ng mga gawang disinfectant sa Aklan

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 02:07 PM

Nakagawa sila ng sariling disinfectant gamit ang 9 na baso ng tubig at isang basong bleach. Photo Courtesy: Reymarc Tampos

Namahagi ng kanilang sariling gawang disinfectant ang grupo ng mga kabataan sa Barangay Poblacion sa Tangalan, Aklan sa layuning mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa kuha ng Bayan Patroller na si Reymarc Tampos, makikitang ipinapamahagi nila ang mga disinfectant kasama ang Sangguniang Kabataan.

 

Ani Tampos, Vice President ng Community Red Cross Tangalan Chapter, nag-ambagan ang kanilang mga miyembro para mapondohan ang programa.

Nakagawa sila ng sariling disinfectant gamit ang 9 na baso ng tubig at isang basong bleach.

Sa kabuuan ay nakapagbigay sila ng aabot sa 30 disinfectant bottles, na ibinahagi sa mga checkpoint, pawnshop, panaderya, at ilan pang tindahan sa bayan na nananatiling bukas.

Plano pa nilang mamigay sa mga susunod na araw, para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Paalala naman ni Usec. Eric Domingo ng Food and Drug Administration o FDA sa mga gumagawa ng sariling disinfectant na sundin ang proseso na itinuturo ng DOH.

Dagdag pa ni Domingo, bawal ibenta ang mga disinfectants dahil kailangan muna nito ng clearance at permit sa FDA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.