Mananahi naglakad nang 8 oras para mamahagi ng face masks

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 12:53 PM

Namimigay ng 'fashionable face masks' ang mananahi na si Sherwin Garcia ng Rizal, Laguna. ABS-CBN News

Para mas mahikayat umano ang mga kabataan na magsuot ng face masks ngayong panahon ng coronavirus disease (COVID-19), ginamit ng isang mananahi ang kaniyang pagiging malikhain para bigyan ng disenyo ang naturang pamproteksiyon sa sakit.

Ilan sa umano ay fashionable face masks na gawa ni Sherwin Garcia -- residente ng Barangay Tuy sa bayan ng Rizal, Laguna -- ay may disenyong ribbon, zipper, at burda.

Gamit ang ibang materyales gaya ng ribbon at zipper, nilalagyan ni Garcia ng disenyo ang kaniyang face masks.

Noong Linggo, naglakad ng 8 oras si Garcia para mamahagi ng face masks mula bayan ng Rizal hanggang sa San Pablo City, Laguna.

Tuwing lumalabas din siya ng bahay para bumili ng supply ng pagkain, namamahagi rin si Garcia ng masks sa mga kababayan.

Ayon kay Garcia, balewala kung wala siyang kita mula sa mga tinatahing mask dahil ang mahalaga sa panahon ngayon ay ang pagtutulungan.

Isinailalim ng pamahalaan sa lockdown ang buong Luzon para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Umabot na sa higit 500 ang kaso ng sakit sa Pilipinas, base sa huling tala ng Department of Health.

-- Ulat ni April Magpantay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.