Good vibes: Doktor hataw sa pagsayaw gamit ang TikTok

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 01:07 PM | Updated as of Mar 24 2020 01:21 PM

Sa gitna ng banta ng coronavirus disease (COVID-19), kanya-kanyang diskarte rin ang frontliners tulad ng mga doktor para mawala ang stress bunsod ng bigat ng kanilang trabaho.

Sa isang ospital sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur, nilibang ng doktor na si KR Mangadlao ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagsayaw sa nauusong mobile app na TikTok.

Nag-viral ang video ng pagsayaw ni Mangadlao, kung saan mapapanood ding nakasuot ang doktor ng welder's face shield bilang improvised personal protective equipment.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa panayam ng radyo DZMM, ikinuwento ni Mangadlao -- na 4 na taon nang general practitioner sa naturang opsital -- na katuwaan lang ang pag-video niya sa sarili.

"Habang naghihintay ako sa turn ko na mag-Triage sa patient sa labas [ng ospital], just for fun, nag-TikTok lang muna," aniya.

Inamin din ni Mangadlao na bahagya siyang nag-alala dahil baka raw ma-bash siya.

Ayon kay Mangadlao, sa kabila ng paglilibang sa sarili, hindi pa rin nawawala ang pangamba na mahawahan siya ng COVID-19.

Sa ngayon ay wala pa umanong naiuulat na kaso sa kanilang lugar.

"Mayroon naman po kaming measures na gagawin para in case may mag-positive na dito," ani Mangadlao, na pansamantalang nakahiwalay ng tirahan sa kaniyang misis at anak bilang pag-iingat.

Mensahe naman ni Mangadlao sa mga kapuwa frontliner: "Huwag lang tayo mapagod kasi [it's] our calling. Stay healthy na lang at all times."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.