TIPS: Paano mas mapapasustansiya ang delata, noodles sa bahay ngayong quarantine?

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2020 05:34 PM

MAYNILA - Pahirapan na ngayong makakuha o makabili ng suplay ng pagkain dala ng mga pila o kakarampot na suplay sa supermarket.

Marami rin ang umaasa sa pagkaing ipapamahagi ng kani-kanilang lokal na pamahalaan na kalimitang mga delata o mga instant noodles.

Ayon sa nutritionist na si Fia Batua, mahirap man ang sitwasyon, mahalagang makuha pa rin ang tamang nutrisyon.

Kaakibat nito ang balanced diet, giit niya.

“So importante meron tayong enough sources ng carbohyrates, proteins and good fats. As long as kumpleto at mas naka-focus tayo sa home foods at pagsama ng gulay, prutas sa ating mga inihahanda, tapos we eat three main meals,” ani Batua.

At kahit pa man delata ang ulam, maaari pa rin anilang gawing mas masustansiya ito para sa buong pamilya, sa pamamagitan ng mga ibinahagi niyang mga recipe.

SARDINAS

Kung may sardinas, maaaring lagyan ito ng miswa at patola.

Maggisa ng bawang at sibuyas.

Kapag malambot na ang sibuyas, maaari nang lagyan ng sardinas.

Igisa nang ilang minuto at saka haluan ito ng patola.

Hintaying kumulo at ilagay ang miswa at mga pampalasa tulad ng asin at paminta.

INSTANT NOODLES

Paalala naman ni Batua, hindi dapat inaaraw-araw ang noodles dahil nakakasama umano ito sa kalusugan.

"Hindi talaga ito advisable dahil nga sa high amount of preservatives, excessive sodium content at hindi din magandang makasanayan ng bawat pamilya, lalo na ng mga chikiting," ani Batua.

Pero kung hindi maiwasang gumamit nito, maaari namang gawin itong mas masustansiya.

Ang maaaring gawin, magpakulo ng tubig, maglagay ng hiniwa-hiwang carrots at tira-tirang karne, kung mayroon.

Huwag nang gamitin ang kasama nitong pampalasa. Sa halip, lagyan na lamang ito ng patis o paminta.

Lagyan din ng pagkaing may protina tulad ng itlog.

MEATLOAF

Maaari naman ding gawing mas masustansiya ang meatloaf.

Una, hiwa-hiwain ito at iprito.

Sa hiwalay na kaldero, maggisa ng bawang at sibuyas at maglagay ng kamatis.

Maglagay ng kaunting tubig at ihalo ang meatloaf at lagyan ng itlog.

Patuloy man ang quarantine, salat man sa pangunahing pangangailangan, hindi dapat kalimutang palakasin ang katawan pilang pangbangga sa banta sa sakit, ayon kay Batua.

— Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.