TINGNAN: Abo na ibinuga ng Taal ginamit sa paglikha ng artwork

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2020 01:50 PM | Updated as of Feb 16 2020 02:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Tunay na malikhain ang mga Pinoy dahil maging ang mga bagay na iniwan ng mga kalamidad ay napapakinabangan.

Sa Tanauan, Batangas, isang artist ang nangolekta ng abong ibinuga kamakailan ng Taal Volcano mula sa kanilang bakuran at ginamit ang mga ito sa pagguhit niya ng sining.

“Noong sumabog ‘yong Taal, ‘yong nilabas niyang ash, nakita ko ‘yong potential na puwede siyang maging medium,” sabi sa panayam ng “Matanglawin” ng artist na si Janina Sanico.

Noon pa man ay kinahiligan na umano ni Sanico ang paggawa ng mga artwork gamit ang mga materyal na nakukuha sa kapaligiran gaya ng atsuete at uling.

“Noong kabataan ko nga, wala kaming pambili ng art materials. 'Yong nasa environment ko 'yong naging sandalan ko,” kuwento ni Sanico.

“Kahit na dumating na ako sa punto na nakakabili na ako ng art materials, hindi pa rin nawala sa puso ko 'yong naging sandalan ko noong bata ako,” aniya.

Inaabot si Sanico nang 3 oras para makabuo ng isang 15” x 20” ash paitning.

Kinukuha niya ang abo na naiwan sa kanilang mga halaman dahil mas puro daw ang mga ito.

“Wala siyang contact sa soil para wala siyang ibang halo,” paliwanag ng artist.

Fini-filter ni Sanico ang abo para maalis ang mga malalaking bato at inihahalo ang abo sa tubig at binder.

Mahalaga raw ang tubig at binder para dumikit ang abo sa papel o canvass na pagguguhitan niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.