Crime of passion: Pag-ibig, paano humahantong sa malagim na krimen?

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2020 05:28 PM

MAYNILA — Ang pag-ibig para sa maraming tao ay itinuturing na magandang karanasan na nagbibigay ng saya at kahulugan sa kanilang mga buhay.

Pero minsan, ang labis-labis na pagmamahal ay posibleng humantong sa karumal-dumal na krimen.

Sa panayam ng programang "SOCO" ng DZMM, hinimay ng forensic psychologist na si Dr. Terry Arias kung ano ang mga elemento ng tinaguriang mga "crime of passion."

"Sa crime of passion, hindi na masyadong nakakapag-isip ang tao kasi overwhelmed siya ng bugso ng damdamin. Hindi siya nag-premeditate. Ang crime of passion is sudden 'to, impulse, bumibigay ka sa impulse sa tindi ng bugso ng damdamin," sabi ni Arias.

Sa perpektong mundo, ani Arias, dapat ay inaalagaan ng isa't isa ang kanilang mga partner. Pero hindi palaging ganon ang nangyayari.

"Ideally dapat pag mahal mo 'yung tao inaalagaan mo. Pero marami ngang nagsasabi na there's a thin line that divides love and hate. Pag sobra-sobra naman ang pagmamahal, kapag nagkamali 'yung interplay ng mga nagmamahalan sa isa't isa, puwedeng humantong ito sa hatred."

OBSESSION

Isa daw sa mga senyales na toxic na ang relasyon ay obsession sa partner, o tila ba nais mong kontrolin ang bawat galaw nito.

"Sa tindi ng pagmamahal, nagiging misplaced na, nagiging obsession na. Pag sumobra ang pagmamahal at nagkamali 'yung isang party sa relasyon, puwedeng humantong ito sa pagkamuhi," paliwanag ni Arias.

Inilarawan ni Arias kung ano ang obsession:

"Iyung sobra-sobra na hindi ka na binibigyan ng espasyo. Lahat tayo dapat may espasyo at boundaries din kahit papaano. Kahit mag-asawa dapat nakakagalaw siya. Eh kapag mino-monitor mo na, sobrang pagseselos, wala namang dahilan. Ito 'yung mga senyales na kakaiba na ito, hindi na normal."

MAY LUNAS BA?

Sabi ng forensic psychologist, ang lahat ng ito ay maaaring maituwid sa tulong ng mga propesyonal.

"Madadaan 'yan sa marriage counseling kung mag-asawa. Puwedeng pag-usapan yan. Kasi pag tinatago mo, laging naiipon kaya puwedeng maging mas matindi at the end... Dapat open ang communication."

Pero kung nararamdaman na nasa peligro na ang buhay sa kamay ng partner, oras na daw ito para manghingi ng saklolo sa barangay, pulisya, o maging sa pari.

Alisin na rin daw ang sarili sa sitwasyon kung nakikitang labis na ang pagiging controlling ng partner.

"Umiwas ka na sa taong 'yun kung kita mong sobra nang obsess sa'yo. Nakakatakot na 'yun eh. Daig pa yung pagguwardiya sa'yo ni Jaworski (tanyag na basketball player)," payo ni Arias.

Sa huli, sinabi ni Arias na ang pagmamahal ay "dapat hindi sobra. Dapat tama lang."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.