ALAMIN: Ilang gimik, pasyalan sa Valentine's Day

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 07:28 PM | Updated as of Feb 11 2018 11:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mas matamis ang mga pagsasamang pinaglalaanan ng panahon.

Kaya sa papalapit na Valentine's Day, maiging yayain ang pamilya o kasintahan sa ilang "dating place."

Isa sa mga sumisikat na pasyalan ang mga food park, na lumilitaw na sa iba't ibang sulok ng Kamaynilaan.

Bukod kasi sa masasarap na pagkaing pasok sa abot-kayang halaga, kaaakit-akit at "Instagram-worthy" rin ang disenyo ng mga lugar.

Kung nais namang madala sa bansang Italy, puwedeng magtungo sa Venice Grand Canal Mall sa Taguig City.

Sa mismong araw ng Valentine's, may handog ang mall na "Aqua y Carnevale," tampok ang water at aerial acrobatics.

Sa I'M Hotel naman sa Makati matatagpuan ang isang rooftop na may 360-degree view na tanaw ang Metro Manila.

Dito ipinagdiwang nina James Reid at Nadine Lustre ang Bagong Taon.

Tiyak naman na matamis ang pagbisita sa Dessert Museum sa Mall of Asia Complex, Pasay City.

Literal na hitik sa iba't ibang matatamis at panghimagas ang bawat kwarto, tulad ng gummy bear, cotton candy at marshmallow.

Samantala, bukod sa libo-libong turista, dagsa rin ang mga magkasintahan sa idinaos na Philippine International Hot Air Balloon Fiesta sa Clark, Pampanga mula Pebrero 8 hanggang 11.

-- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.