PANOORIN: Asong marunong magtinikling, sumagot ng math questions

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2020 02:40 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Hayop sa galing ang isang alagang aso na nag-viral kamakailan sa social media dahil sa kakayahan nitong sumayaw ng folk dance na tinikling.

Noong nakaraang buwan, in-upload ng dog trainer na si Bernie Reyes ang video ng kaniyang asong si Hansel habang ito’y tumatalon sa pagitan ng mga kawayan. Umani ang video ng higit 600,000 views.

“Noong umpisa, nakalapag lang ‘yong kawayan, isang piraso, kapag lumagpas ‘yong isang paa niya, good na ‘yon, hanggang sa masanay siya doon,” kuwento ni Reyes sa “Matanglawin.”

“Kapag confident na siya doon, magiging dalawang kawayan na… unti-unti, pagsasama-samahin ko na hanggang sa mabuo niya ‘yong tinikling,” dagdag ni Reyes.

May 6 na aso si Reyes pero ang madalas niyang turuan ng tricks ay si Hansel, na kalahating pug at kalahating dachshund.

Noong 2018, nag-viral din ang isa pang aso ni Reyes na si Roscoe dahil sa kakayahan nitong sumagot sa math questions sa pamamagitan ng pagtahol – isang talentong itinuro rin ng trainer kay Hansel.

Halimbawa, kapag pinakitaan ng card na may nakasulat na “1+2” si Hansel, tatahol ito ng 3 beses bilang tugon. Maging ang mga square root ay kayang sagutin ng nasabing aso.

Tinuturuan din ng tricks ni Reyes ang kaniyang African love bird na si Bonnie. Kaya nitong makipagkamay at mag-basketball.

“[Ang] sarap sa pakiramdam ‘yong unti-unti, nakikita mong natututo,” ani Reyes tungkol sa kaniyang mga alaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.