Sa gitna ng sakuna: Bayanihan, pakikisama umusbong sa evacuation centers

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2020 06:23 PM

MAYNILA — Dalawang linggo mula nang mag-alboroto ang Bulkang Taal at lisanin ng mga residente sa paligid nito ang kanilang mga tahanan, sari-saring kuwento ng kabutihang loob at inspirasyon ang umusbong sa gitna ng nararanasan nilang trahedya. 

Malvar, Batangas

Sumasailalim sa therapy ang batang si Lucas dahil sa autism kaya ramdam ng ina nitong si Armi Aranda ang hirap ng mga bata na lumikas dahil sa Bulkang Taal.

Kaya sa pagdiriwang ng ika-7 kaarawan ni Lucas noong Sabado, pinili ni Armi na gawin ang selebrasyon kasama ang evacuees kung saan 300 bata ang nakisaya.

Para na rin umanong sumailalim ang mga bata sa psychosocial activities dahil sa inorganisa niyang party.

"Nakapasaya ng mga bata sa evacuation center," sabi ni Armi. 

Dumalo rito ang cosplayers mula My Superhero Friends Foundation, suot ang mga costume na Black Panther, Spiderman, Black Widow, at Wonder Woman.

Batangas City

Sa Batangas City, hindi binigo ng mag-asawang Joel at Maribel Bordeos ang 7-anyos nilang anak na si Cassandra sa kaarawan nito noong Sabado.

Tuloy ang birthday party ng anak sa evacuation center kasama ang iba pang batang lumikas mula bayan ng San Luis.

Kuwento ng nag-upload ng mga retrato ng pagdiriwang, plantasado na ang lahat pati ang kakataying baboy, na kalaunan ay namatay matapos makalanghap umano ng maraming abo ng bulkan.

San Pascual, Batangas

Kumpleto ang 18 balloons, symbolic gifts, bills, roses, at candles para sa ika-18 kaarawan ng evacuee na si Diane Javier. Screengrab

Nagtulong-tulong naman ang volunteers at opisyal ng Barangay Bayanan para matuloy ang debut ni Diane Javier, na lumikas mula sa bayan ng Taal.

Kumpleto ang 18 balloons, symbolic gifts, bills, roses, at candles. 
 
"Hindi ko po talaga in-expect na gagawin nila para sa akin ito kasi hindi naman po nila ako kakilala... Nagpapasalamat po ako sa kanila," ayon sa dalagita. 

Kuwento ni Maridel Javier, ina ng debutante, matagal na niyang napagplanuhan ang debut ng anak pero napurnada ito matapos silang sapilitan ilikas.

"Ito po 'yung minimithi ko na makita pong masaya 'yung bunso ko."

Ibinabang alert level

Nitong Linggo, inanunsiyo ng Phivolcs na ibinababa na nila sa 3 ang alert level ng Bulkang Taal, na nangangahulugang nabawasan na ang tsansang magkaroon ito ng malalang pagsabog.

Dahil dito, nagsibalikan na ang residente na hindi sakop ng danger zone, o iyung nasa labas ng 7-kilometrong palibot ng bulkan. 

Sa pagbabalik ng mga evacuee sa kanilang tahanan, baon nila ang ilang magagandang alaala kung saan kahit may sakuna ay naramdaman nila ang kabutihan ng iba. --Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.