Miss Universe PH in-extend ang deadline para sa application

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 04:01 PM | Updated as of Jan 23 2020 04:21 PM

Miss Universe Philippines National Director Shamcey Supsup. ABS-CBN News

MAYNILA — In-extend ng Miss Universe Philippines (MUP) ang deadline ng pagpasa ng aplikasyon ng mga nagnanais maging pambato ng Pilipinas sa prestihiyosong international pageant.

Sa halip na Enero 18, hanggang Enero 31 na ang pasahan ng mga aplikasyon sa pagsali sa competition.

Ayon kay MUP National Director Shamcey Supsup, ito ay para mas maayos ng kanilang organisasyon ang competition at mabigyan ng pagkakataon na makahabol ang iba pang gustong sumali.

"It's really mainly for the organization to polish everything," ani Supsup sa panayam ng ABS-CBN News.

"Of course, give more chances for the other girls who weren't able to submit their applications," aniya.

Nang tanungin naman kung papayagan bang sumali ang transgender women sa MUP, sinabi ni Supsup na makasasali lamang sila kung pinahihintulutan ang pagpalit ng kanilang kasarian sa mga legal document.

"If the local country where you will hold the pageant, if we are not yet allowed to change gender in our legal documents then we will have to follow the local authority," aniya.

Hindi pinapayagan sa Pilipinas ang pagpalit ng kasarian sa mga legal document.

Naging usap-usapan ang pagsali ni Angela Ponce ng Spain sa Miss Universe noong 2018 bilang kauna-unahang transgender contestant ng pageant.

Ayon din kay Supsup, nais niyang makausap si Stella Marquez Araneta ukol sa pagtanggap niya sa national director position ng MUP.

"I really wanted to talk to her personally and I plan to do it. She's still out of the country but I've been talking to their secretaries, asking for an appointment... they're really close to my heart as well," aniya.

"Without Binibini, I wouldn't be here and I owe it to them. I know naman there's no hard feelings with this endeavor," dagdag niya.

Si Araneta ang pinuno ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) na dating may hawak ng Miss Universe franchise sa Pilipinas bago itinatag ang MUP.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.