Ketong nagagamot, mga pasyente di dapat pandirihan: doktora

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 03:26 PM | Updated as of Jan 22 2020 03:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nanawagan ang isang doktor sa publiko na huwag pandirihan ang mga taong may leprosy o ketong dahil hindi naman agaran ang pagkahawa ng sakit.

Iginiit din ng dermatologist na si Abelaine "Abby" Venida-Tablizo na may gamot para sa ketong at sa unang inom pa lang nito ay nababawasan na ang tsansa na makahawa ang pasyente.

"Unang intake pa lang ng gamot para sa leprosy, you are actually around 80 percent non-infectious na, hindi na nakakahawa," sabi sa DZMM ni Tablizo, head ng infectious dermatology and leprosy unit ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center at Rizal Medical Center.

"Kapag naubos natin ang isang pakete, which is one month na gamot, hindi ka na talaga nakakahawa," dagdag niya.

Ang leprosy ay sakit sa balat bunsod ng bakteryang mycobacterium leprae. Nagkakaroon ng mga pantal at bukol sa balat ang pasyenteng naapektuhan nito.

Maaari raw tumagal ang paggamot sa taong may ketong nang 6 na buwan hanggang isang taon, depende sa uri ng bakterya.

Libre ang gamot at maaaring makuha sa mga ospital, barangay health center, at iba pang institusyon para sa mga may ketong, ayon kay Tablizo.

Bukod sa mga pantal at bukol sa balat, pangunahing sintomas din ng ketong ay ang pamamanhid ng mga bahagi ng katawan dahil naapektuhan din ng sakit ang peripheral nerves o iyong mga ugat sa pakiramdam at paggalaw.

DI AGAD NAKAHAHAWA

Nilinaw rin ni Tablizo na hindi agaran ang pagkahawa kapag minsang nadikit sa may ketong.

"Hindi porke't nakatabi ko ang leprosy patient, magkakaroon ako ng leprosy. So you need prolonged, personal exposure [para mahawa]," paliwanag ni Tablizo.

Ipinayo rin ni Tablizo sa mga kasama sa bahay ng mga taong may ketong na ugaliing tingnan kung nahahawa na ng sakit.

Ayon din kay Tablizo, kadalasang tinatamaan ng ketong ang mga may edad 5 pababa pero inaabot ng mga taon o dekada bago lumitaw ang mga sintomas.

"Bale nagtatago muna siya sa loob ng katawan, average of around 5 to 7 years but it can take up to 20 years to 30 years," paliwanag niya.

Kapag likas naman umanong malakas ang resistensiya ng tao ay maaaring hindi siya mahawa ng sakit.

Sa mga taong nakararamdam ng mga sintomas ng ketong, ipinayo ni Tablizo na pumunta agad sa ospital o barangay health center para sumailalim sa mga test.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.