PANOORIN: Mga alagang daga na nagtutulak ng grocery cart, nag-flag raising

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2020 12:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Perwisyo man sa paningin ng ilan, kaligayahan at pagkakaibigan ang hatid ng mga daga sa iba.

Sa "Rated K," ipinakilala ang mga pet owner na hindi lamang nag-aalaga ng mga daga kundi tinuturuan pa ang mga ito ng tricks at isinasali sa mga contest.

Isa na rito si Jerimiah Pagiligan, isang dating nurse na ngayo'y nag-aalaga at nagbi-breed ng mga dagang costa o iyong mga puting daga.

Mula 10, higit 200 daga ang inaalagaan ngayon ni Pagiligan.

Ayon sa kaniya, may hatid na suwerte ang mga daga.

Isang pelikula naman ukol sa pagkakaibigan ng tao at daga ang nagbigay ng ideya kay Jed Lorenz Ong na mag-alaga ng daga.

"'Yong bond lang ng person at something na hindi ine-expect ng tao na maging pet, 'yon pa lang na-amaze na ako," ani Ong, na kumuha ng kursong pet medicine.

Nagbi-breed si Ong ng mga hooded at black rat, na isinasali niya sa mga beauty contest at exhibit para rito.

Ilan sa tricks na ipinakita ng mga daga sa "Rated K" ay ang kakayahan ng mga ito na magtulak ng maliit na grocery cart, mag-flag raising o humila ng bandila pataas, at pagkuha ng pera sa loob ng pitaka.

Ayon sa zoo and wildlife veterinarian na si Romulo Bernardo, likas na matalino ang mga daga.

Patunay raw dito ang kakayahan ng mga daga na umangkop sa ano mang environment na mapuntahan nila.

"Kung ite-trace back mo 'yong history nila, naka-travel 'yan sa iba-ibang lugar... Nakaka-adapt sila sa city life," ani Bernardo.

"Kapag hindi matalino ang isang hayop, hindi siya nakaka-adapt sa environment niya," paliwanag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.