Lola muling nakatagpo ang pamilyang nawalay sa kaniya sa gitna ng Taal evacuation

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2020 05:52 PM | Updated as of Jan 21 2020 07:15 PM

Nawalay sa kaniyang pamilya ang 66 anyos na si Patricia Martinez Legazpi sa gitna ng paglikas ng mga taga-Taal nang magsimulang mag-alboroto ang bulkang Taal

Nagpaiwan ang 66 anyos na si Patricia Martinez Legazpi sa kanilang bahay sa bayan ng Taal nang magsimulang lumikas ang mga residente nang pumutok ang bulkang Taal noong nakaraang linggo.

Siyam na taon na mula nang ma-stroke si Legazpi kaya hirap siyang makalakad.

"Sasama lang ang pakiramdam ko. Baka sabihin, 'Isa ka pang intindihin.' Tapos kaliliitan lang ng mga anak. Kaya bago ako kuhanin, 'yon munang mga anak. Kaya hindi na ako sumama," paliwanag ni Legazpi.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kung hindi sinuyod ng mga pulis ang lugar nina Legazpi, hindi ito madadala sa Baybayin Elementary School sa Rosario, Batangas na nagsisilbing evacuation center.

Nang malikas na, nag-alala naman si Legazpi sa kung ano na ang nangyari sa kaniyang pamilya.

"Hindi ko po alam kung saan sila nagpunta at hindi naman nila alam na ako'y nasa evacuation [site]," aniya.

Noong Linggo, nalaman ng mga tauhan ng Barangay Alupay sa Rosario ang kinaroroonang evacuation center ng mga kaanak ni Legazpi kaya hinatid siya roon.

Isa sina Legazpi sa mga evacuee na nahatiran ng food packs ng Lingkod Kapamilya Foundation ng ABS-CBN.

Nakapagdala rin ang Lingkod Kapamilya ng kalan at iba pang kagamitang pangluto sa mga evacuation center sa bayan ng Rosario.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.