Pagbangon mula sa Taal Volcano calamity dasal ng ilang lumahok sa Lakbayaw

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 04:01 PM

Ang pagbangon ng mga apektado ng pag-aalboroto ng bulkang Taal ang dasal ng ilan sa mga lumahok sa Lakbayaw sa Tondo, Maynila ngayong Sabado.

Ang Lakbayaw ay isa sa mga aktibidad na idinaraos bago ang mismong pista ng Santo Niño de Tondo, kung saan nagsasayaw ang mga deboto sa paligid ng Tondo Church habang bitbit ang kani-kanilang mga imahen ng batang Hesus.

Ayon sa deboto na si Salve Juco, hiling niya ang pagtigil ng pag-aalboroto ng Taal, lalo at marami sa mga residente ng Batangas ang apektado nito.

"Sana po huwag na salantain ng pagputok ng Bulkang Taal ang mga kababayan natin sa Batangas," aniya.

Laman din ng mga panalangin ni Roy Fulgencio ang mga biktima ng kalamidad sa Batangas.

"Nawa'y makabangon sila gaya sa mga taga-Pinatubo noon," sabi ni Fulgencio, na tinutukoy ang pagputok ng Mount Pinatubo noong 1991.

Bago nito, pinangunahan noong gabi ng Biyernes ni Luis Antonio Cardinal Tagle, ang papaalis nang archbishop ng Manila, ang misa para sa paghahanda ng kapistahan.

Idaraos sa Linggo ang pista ng Santo Niño de Tondo.

Libo-libong residente sa mga bayang nakapaligid sa Taal ang lumikas mula nang magsimulang mag-alboroto ang bulkan noong Linggo.

Itinaas ng Phivolcs ang alert level 4 sa bulkan, na nangangahulugang may posibilidad ng isang "hazardous explosion" o mapanganib na pagsabog sa mga susunod na oras o araw.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.