Iba't ibang vintage cars, motor bikes tampok sa car show sa Lipa City

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2020 07:22 PM

Nasa 30 vintage cars at motor bikes ang tampok sa isang car show sa Lipa City. Screengrab

LIPA CITY, Batangas - Nasa 30 vintage cars at motor bikes ang tampok sa isang car show sa Lipa City na ginanap noong Sabado.

Parte ito ng "Lipa Vintage Car Show" na ibinibida ang iba't ibang sasakyan mula sa iba't ibang dekada.

May ilan gaya ng 1945 military jeep na isinali ni Teddy Katigbak.

Kuwento niya, nabili niya raw ito sa surplus noong 1970.

"Ito'y unchanged. Pa-mula nang bilhin ko ay walang pinapalitan at dinadagdag na hindi military, na hindi part of the jeep. So minentain ko ‘yung kaniyang originality," ani Katigbak.

Isang Mini Cooper naman at Land Cruiser ang isinali ni Allan Racelis, na nangolekta ng vintage cars simula nang pagtatapos niya sa kolehiyo.

Walong kotse naman ang dinisplay ng event organizer na si Eduardo Segismundo.

"Ang hilig ko talaga ay mag-fix ng kotse so I buy cars na hindi tumatakbo and then I fix it and make it look nice and that’s it," aniya.

Dahil dito, naengganyo ang ilang dumayo lang.

"Ngayon lang ako nakakita ng mga ganitong sasakyan," ayon sa bumisita na si Benedict Corporal.

Plano ng lokal na pamahalaan ng Lipa na palawakin pa ang car show para mas marami pa ang mga residenteng magbida ng kanilang mga sasakyan.

Bahagi ang car show ng 2 linggong aktibidad ng pista ng San Sebastian sa Lipa City.

-- Ulat ni April Magpantay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.