SILIPIN: Mga patok na galaan sa unang araw ng 2020

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2020 08:13 PM

MAYNILA — Matapos salubungin ang 2020 sa kanilang mga tahanan, dumayo naman ang mga pamilyang Pinoy sa iba't ibang patok na pasyalan kinaumagahan para mag-bonding habang bakasyon pa.

 LUNETA

Watch more in iWantTFC


Dinumog pa rin ang Luneta kung saan maraming bata ang naglaro lalo't atraksiyon doon ang isang children’s playground.

Mas pinili rin ng mga nandoon na mag-picnic kaysa gumasta sa pagbili ng pagkain.

Libre ang pamamasyal sa Luneta at kahit ang mga nagtitinda ay hindi din naman pinagbabawalan.
    
Pakiusap lang ng namamahala, makisama para manatili ang ayos ng pasyalan.

"Panatilihing malinis 'yung ating playground, saka po 'yung pinagkainan lagay sa supot at lagay sa tamang lagayan," paalala ni Angel Tadeo ng National Parks Development Committee. 

TAGAYTAY

Watch more in iWantTFC

Dagsa din ang mga pamilya at turista sa Tagaytay para magpalamig ngayong Bagong Taon.
    
Pabugso-bugso ang ulan sa Tagaytay na lalong nagpasikip pa sa trapiko pero marami pa rin ang hindi nagpaawat para mamasyal. 

Kalahating araw pa lang, umabot na sa 3,000 ang pumunta sa People’s Park in the Sky.
    
"Expected po namin nasa 6,000 pataas ang pupuntang turista ngayong araw," ani Daisy Rabino, staff ng People’s Park in the Sky.

Patok din ang Picnic Grove dahil sa dami ng puwedeng gawin pero may P50 entrance fee ito.
    
QUEZON MEMORIAL CIRCLE

Watch more in iWantTFC


Libo-libong pamilya din ang piniling mag-bonding ngayong New Year’s day sa Quezon Memorial Circle kung saan maraming gimik din ang puwedeng gawin.

Kaniya-kaniyang puwesto ang pamilya, at ang iba ay nagtayo pa ng mga tent para daw ready sila umulan man o umaraw. 

Ayon sa pamunuan ng Quezon Memorial Circle aabot sa may 10,000 ang pumunta sa kanilang pasyalan ngayong Enero 1.


—Ulat nina Jeff Canoy, Jorge Cariño, at Bianca Dava, ABS-CBN News


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.