Toni Gonzaga, naiyak sa pagbibigay-pugay sa ina

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2018 12:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Ilang araw bago ang Pasko, ipinaramdam ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga ang pagmamahal sa kanilang ina.

Sa pagbisita ng dalawa sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, hindi napigilan ni Toni ang maging emosyonal sa pagbibigay-pugay sa kanilang ina.

Ayon kay Toni, ang ina nila ang tumayong manager nilang magkapatid dahil sa walang taong naniniwala sa kanila noon bilang mga artista.

Kuwento niya, iniwan ng ina ang magandang trabaho nito para suportahan ang kanilang pangarap na magkapatid.

"Kasi naalala ko dati talaga, wala. Sabi ko, 'Mommy, walang naniniwala sa akin na mag-artista o sa kapatid ko.' Sabi ni mommy, 'Basta, huwag kang mag-give up kay God.' Sabi niya, 'Kahit mahirap, ako na lang ang bahala. Kahit wala akong alam sa pagma-manage sa artista, gagawin ko 'yan.' Tapos tingnan mo, kahit papaano, 20 years na ako sa showbiz, siya pa rin ang manager ko," ani Toni na inalala rin ang mga panahong hindi sila nagkakasundo ng ina.

"Tapos tuwing iisipin ko iba na lang ang mag-manage sa akin, maiisip ko hindi. Kasi nung wala pang naniniwala sa kin, ang mommy ko ang unang naniwala sa akin. Kaya hindi ko siya iiwan," aniya.
 
Ayon naman kay mommy Pinty, ginawa niya at ng kanyang asawa ang lahat para sa mga anak dahil sila ay isang pamilya.

"Nakakaiyak naman, so touching. Actually hindi lang ako pati si Daddy. Si Daddy talaga ang sobrang naniwala sa talent ng mga anak ko. Siya ang nag-push sa akin. Nakita niya 'yung determination, 'yung passion. Nung una si Toni lang 'yan, then si Alex. So it's really a family teamwork, hindi lang ako," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.