Billy Crawford, inalala ang tulong ni Vhong Navarro bilang isang kaibigan

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 12:37 PM | Updated as of Nov 15 2019 12:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Inamin ni Billy Crawford na ang kaibigan niyang si Vhong Navarro ang isa sa mga tumulong sa kanyang makabangon sa bisyo sa alkohol. 

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, ibinahagi ni Billy na hinangaan niya si Vhong nang payuhan siya nito na kailangan niyang umayos at respetuhin ang kanyang trabaho. 

"Eto magpapakatotoo lang ako. Noong time talaga na addicted ako sa alcohol, minsan naha-hangover ako, minsan hindi ako nakakapasok sa 'It's Showtime.' Si Kuys Vhong 'yung nagpakatotoo sa akin. Tinabi niya ako at sinabi niya sa akin, 'Alam mo ba Billy, ito walang biro ito. Makakasira ito ng buhay mo kung hindi ka magiging propesyonal sa trabaho mo, kung hindi mo seseryosohin ito. Kasi ang daming gustong tumungtong sa puwesto mo dito sa 'It's Showtime.' Respetuhin mo kung nasaan ka,'" kuwento ni Billy.

"Noong sinabi sa akin ni Vhong 'yon, may nag-trigger talaga sa utak ko na parang it was as real and as truthful as possible. Sobrang totoo 'yung sinabi niya sa akin at sobrang nakatulong sa akin. Kasi maraming kabataan ang tumututok sa atin sa TV. Tayo ang inspirasyon at hinahangaan ng mga bata, and what kind of an example am I bilang sila ang mga nanonood sa akin? I have to change my ways," dagdag niya.

Ani Billy, nagpapasalamat siya sa Diyos na sa ngayon ay isang taon na siyang hindi umiinom ng alkohol, at patuloy niyang gagawin ang makakaya para hindi na muling bumalik sa bisyo.

"Kaya nga salamat sa iyo [Vhong]. Salamat sa Diyos, I've been sober for one year and iko-continue ko ito hanggang sa habambuhay, at ito na ang inaalay ko sa Panginoon. Simula noong sinabi niya (Vhong) sa akin na, 'just be professional and do what you have to do pagdating sa trabaho,' 'yun na 'yung mindset ko every time," aniya.

Para naman kay Vhong, ginawa niya lang ang dapat bilang isang kaibigan.

"Kasi minsan ang hirap kasing diretsuhin ang tao. Pero dapat kapag kaibigan ka, kaya mong sabihin sa kanya 'yon, hindi ba? Huwag mo nang hintayin na masira pa," aniya.

Sa ngayon ay magkasama sina Vhong, Billy, at Luis sa programang "Your Moment." 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.