Allen Dizon, humanga kay Judy Ann Santos sa 'Mindanao'

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 04:04 PM

MAYNILA -- Labis na paghanga ang naramdaman ng aktor na si Allen Dizon para sa aktres na si Judy Ann Santos na kanyang kasama sa pelikulang "Mindanao."

Ang "Mindanao" ay likha ng award-winning director na si Brillante Mendoza at unang mapapanood sa 24th Busan Internationa Film Festival sa South Korea.

 

"Siguro sa tagal na niya sa industriya, napakagaling, napakahusay, and lahat ng eksena niya parang gusto mo umiyak, gusto mo siyang yakapin, so nakakadala siya bilang co-actor dito. Napakagaling ni Judy Ann," tugon ng aktor sa panayam.

Nagbigay-patikim din ang aktor sa ilang eksena na kanilang ginawa ni Judy Ann.

"Isang dramatic scene na parang may sinabi siya sa akin, tapos tumingin lang ako sa kanya parang kinilabutan ako. Gusto kong umiyak pero bawal, parang sabi ni Direk, bawal umiyak dito. Parang sabi niya titingin ka lang," ani aktor.

"Kakaiba rin 'yung ginawa namin sa film, hindi siya ordinary na pelikula e. Ako, sundalo, mga Muslim kami ni Judy Ann. May anak kaming may sakit, sobrang nakakaantig-puso kasi family-related. Tapos mabibigat ang mga eksena, mabigat sa loob," aniya pa.

Malaki rin ang paasalamat ng aktor para sa maagang papuri na kanilang tinatanggap ngayon mula sa mga nakapanood ng trailer ng pelikula.

"Siyempre lahat naman kaming mga artista, siyempre binibigay ang best namin. Maraming nakaka-appreciate, maraming nagkakagusto, so nakakataba ng puso, mas nakaka-inspire na gumawa ulit ng mga pelikulang ganito," pahayag ng aktor.

Umaasa rin ang aktor na mapabilang ang "Mindanao" sa nalalapit na 2019 Metro Manila Film Festival.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.