'Ang Probinsyano' cast at ABS-CBN execs, ipinagdiwang ang ika-5 taon ng teleserye

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2020 11:39 AM

MAYNILA -- Nagkaroon ng virtual conference ang mga bituin ng "FPJ's Ang Probinsyano" sa pangunguna ng bidang aktor na si Coco Martin at mga boss ng ABS-CBN para ipagdiwang ang ika-5 anibersaryo ng sikat na serye.

Sa Instagram nitong Martes ng gabi ay inilabas ng Dreamscape ang ilang screengrab mula sa virtual conference.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Dreamscape Entertainment (@dreamscapeph) on

Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon sina Richard Gutierrez, Yassi Pressman, Susan Roces, Jaime Fabregas, Michael de Mesa, John Arcilla, Tirso Cruz III, Lorna Tolentino at Rowell Santiago.

Naroon din ang mga big boss ng ABS-CBN na sina Carlo Katigbak, Mark Lopez at Cory Vidanes. 

Kasama rin sa pagtitipon ang crew, staff at executives ng Dreamscape.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Dreamscape Entertainment (@dreamscapeph) on

Nitong Lunes ay ipinagdiwang ang ika-5 taon ng "Ang Probinsyano" na unang umere sa ABS-CBN noong Setyembre 28, 2015.

Ang serye ay tungkol sa kuwento ng buhay ng isang matapang at tuwid na pulis na si Cardo Dalisay (Martin).

Makalipas ang limang taon, patuloy pa rin ang programa sa pagbibigay ng aliw sa mas pinatindi nitong mga tagpo at mga bagong karakter. 

Isa na dito ang karakter ni Richard Gutierrez na si Lito na gagawin ang lahat para maagaw ang asawa ni Cardo na si Alyana (Pressman).

Noong nakaraang linggo lang ay ipinakilala rin ang bagong karakter na si Macoy (Seth Fedelin).

Ngayong Miyerkoles, aabangan kung magagawa bang makahingi ng tulong ni Diana Olegario (Angel Aquino) at Teddy Arevalo (Joel Torre) kina Cardo at mga kasamahan nito matapos mabaril ang ina ni Alyana na si Virgie (Shamaine Buencamino).
 
Mapapanood ang "FPJ's Ang Probinsyano" mula Lunes hanggang Biyernes sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Cinemo sa cable tv at sa bagong iWantTFC. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.