Judy Ann Santos, gustong makatrabaho si Claudine Barretto

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2019 03:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Hindi isinasara ng nagbabalik-teleserye na si Judy Ann Santos ang posibilidad na magkasama sila sa isang proyekto ng nagbabalik rin na aktres na si Claudine Barretto.

"Posibleng-posible naman. Wala naman nang imposible sa panahon ngayon at lagi ko nga sinasabi na I'm looking forward to work with Claudine, totoo 'yan," aniya sa media conference ng "Starla."

Ayon pa kay Judy Ann, matagal na rin niyang hinihiling na makasama si Claudine sa isang proyekto.

"Ilang years ko na sinasabi na sana, at some point, makagawa kami ng pelikula ni Clau kasi it would be really nice to work with her," kwento pa ng aktres.

Samantala, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang fans ng tambalan nila ng aktor na si Piolo Pascual. 

Pero direchong sinabi ni Juday na walang nabubuong plano ngayon na reunion movie nila ni Piolo.

"Wala pa 'yung last time na sinabi ko. Mayroon kasing nag-offer, pero hindi natuloy, hindi kami nagkasundo with so many things, with the story," paliwanag ng aktres.

Matatandaan na sa huling panayama kay Judy Ann, inamin niya na siya ang dahilan nang pagka-udlot ng kanilang reunion project.

"May story naman na ino-offer, ngayon lang walang nago-offer sa amin. So 'yun nga 'yung sinabi ko before, it's very critical for a Juday-Piolo reunion project kasi it should be very well thought of," aniya. "At the same time 'pag nabasa mo 'yung material, hindi mo naman dapat i-dictate kung sino ang leading man e. Alam mo na dapat kung sino ang dapat na gaganap doon," paliwanag pa niya.

"At siyempre, habang lalong tumatagal na hindi kami gumagawa ng project, mas andon 'yung pressure to find a story that's worth watching because ang tagal e. So ayun, hintay lang, but habang wala pa, focus muna sa ibang bagay."

Sa ngayon, pinaghahandaan ni Juday ang nalalapit na simula ng "Starla" ngayong Oktubre 7 kasama sina Raymart Santiago, Joem Bascon, Janna Agoncillo at Enzo Pelojero pagkatapos ng "FPJ's Ang Probinsyano."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.