Judy Ann Santos, handang kainisan bilang bida-kontrabida sa 'Starla'

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2019 12:11 PM | Updated as of Sep 29 2019 06:21 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Official Juday PH (@officialjudayph) on

MAYNILA -- Bagong atake, at bagong Judy Ann Santos ngayon ang aabangan sa kanyang pagbabalik-telebisyon sa nalalapit na pagsisimula ng Kapamilya series na "Starla."

Kuwento ng aktres, ito ang unang beses niya na gaganap siya bilang bida-kontrabida sa isang teleserye.

"I’m pretty sure may ibang maninibago, kasi iba talaga siya. And I’m pretty sure na may ma-e-excite rin kasi bago at hindi pa nila ako nakikita sa ganitong klase nang character," tugon ni Juday sa press sa naganap na media conference ng bagong Kapamilya series nitong Sabado.

Dahil unang beses na gaganap na kontrabida, aminado rin si Juday na kahit siya ay nanibago sa kanyang gagampanan na karakter.

"Kahit ako tinanong ko rin ang sarili ko, kaya ko ba 'to? Pero masaya naman siyang gawin. Kumbaga, nare-reset 'yung skill mo na at talent mo sa pag-arte. Parang kailangan mong bigyan ng konting kabog ang sarili mo e, ano pa ba ang pwede mong gawin," paliwanag ng aktres.

Watch more in iWant or TFC.tv

At bilang kontrabida, handa na rin daw si Juday sa aanihin na batikos ng netizen na maiinis ngayon sa kanyang karakter bilang si Teresa.

"Hindi ba nga ang sabi nila 'pag hindi nabuwisit sa 'yo ang mga tao, hindi effective ang ginawa mong character, so handa naman," aniya pa.

"Matured na rin naman ang mga audience ngayon when it comes to mga teleserye. Alam na nila kung ano ang mga character sa tunay na buhay and kung hindi nila alam, hindi na rin naman ako mag explain, okay na 'yun. Basta ginawa ko ang trabaho ko," pabirong sabi pa ng aktres.

Sa darating na Oktubre 7 mapapanood na ang "Starla" kasama sina Raymart Santiago, Joem Bascon, Janna Agoncillo at Enzo Pelojero pagkatapos ng "FPJ's Ang Probinsyano."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.