3 Hollywood stars, inaasahan na papasok sa 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2019 04:11 PM

MAYNILA -- Hindi pa din inakala ng "Ang Probinsyano" star na si Coco Martin ang patuloy na pagkapit ng mga manonood gabi-gabi sa kanilang programa.

Ayon kay Coco na tumatayo rin bilang direktor ng numero unong Kapamilya series, patuloy pa rin ang kanilang pag-iisip ng bagong kuwento para ibahagi sa mga sumusubaybay sa serye.

"Ginagawa namin 'to talaga para ma-inspire ang mga Pilipino, lalo na ang mga manunuod gabi-gabi, para masasaya sila. Sana humaba pa," aniya sa panayam ng press sa naganap na Sine Sandaan.

Nilinaw rin ni Coco ang napabalitang pakikipag-usap ng produksyon ng "Ang Probinsyano" sa ilang Hollywood stars para maging bahagi ng serye.

"Bakit ang bilis niyo? Actually, mahirap magsalita agad-agad kasi mahaba pa ang tatakbuhin [ng kuwento]. Kasi halos lahat ata nagawa na po namin," ani Coco. "Meron na kaming mga nakakausap. Actually meron nang umoo, pero under negotiation pa po."

Bukod sa tatlong Hollywood star, asahan din daw ang paglabas ng bansa ng ilan sa mga bida ng "Ang Probinsyano" para kumuha ng ilang mahahalagang eksena.

"Mag-shooting po abroad kami," ani Coco.

Dito, naitanong din kung isa din ba sa mga dapat abangan sa "Ang Probinsyano" si Manila Mayor Isko Moreno na kanyang kasama sa isang larawan.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Coco Martin (@mr.cocomartin) on

"Idolo ko 'yun e. Surprise kung bakit kami nagkita. Pero ako talaga ang sumadya sa kanya and humingi ako ng appointment, kasi matagal ko na siya nakasama sa isang teleserye and nakipag-appointment ako sa kanya at may pinag-usapan kami," pahayag pa ng aktor.

Kasabay ng "Ang Probinsyano," isang pelikula din ang tinatapos ni Coco na inaasahang mapapanood ngayong Pasko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.