'Pare, anak ko 'yan': Dennis Padilla, inaming kinausap si Gerald dahil kay Julia

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 03:32 PM | Updated as of Aug 21 2019 08:31 PM

Kinausap ni Dennis Padilla (kaliwa) si Gerald Anderson (kanan) dahil sa isyung kinasasangkutan ng aktor at ng anak niyang si Julia Barretto (gitna) Instagram: @dennisastig/@andersongeraldjr

MANILA -- Inamin ni Dennis Padilla na nakausap niya ang aktor na si Gerald Anderson dahil sa kanyang anak na si Julia Barretto.

Matatandaang nasangkot si Julia sa kontrobersiyal na hiwalayan nina Gerald at Bea Alonzo.
 
Nitong Martes sa press conference para sa pelikula na "Sanggano, Sanggago't, Sanggwapo" kung saan isa sa mga bida si Dennis, sinabi nito na siya ang unang nag-text sa aktor.

Watch more in iWant or TFC.tv

Aniya, isang simpleng paalala lang ang ibinigay niya kay Gerald para sa kanyang anak.

"Nag-text muna ako noong lumabas 'yung isyu. Nag-text lang ako. Tapos tumawag siya, kinausap ko. Pagkausap ko, ni-remind ko lang sa kanya, 'Pare, anak ko 'yan,'" kuwento niya.

"'Yun lang. Siguro naman alam niya na ang lalim noon dahil lalaki siya."

Watch more in iWant or TFC.tv

Nang biruin ng mga kasamahan na binugbog daw niya si Gerald pagkatapos nilang mag-usap, sagot ni Dennis: "Hindi ako puwede doon, may military training siya eh."

Ayon pa kay Dennis, pinayuhan din niya ang anak na si Julia na magpahinga muna sa paggamit ng social media.

"Siyempre kapag anak mo, siyempre ang una mong gagawin ay proteksiyunan. Sabi ko sa kanya, 'Huwag ka na munang mag-social media, pahinga ka muna sa social media. Mas maganda magbakasyon ka muna,'" niya.

Dagdag niya: "[Sabi ko sa kanya] 'Hintayin mo munang mag-die down kung anuman 'yung isyu.' So 'yun lang ang nasabi ko kay Julia."

Matatandaang una nang nilinis ni Gerald ang pangalan ni Julia sa hiwalayan nila ni Bea.

Nitong nakaraang buwan, binasag na rin ni Julia ang kanyang katahimikan. Aniya, hindi siya nagtaksil sa dating nobyong si Joshua Garcia.

Iginiit din niyang wala siyang kinalaman sa hiwalayan nina Gerald at Bea.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.