Celebs nagbigay-suporta sa ABS-CBN sa gitna ng pagbasura sa prangkisa

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2020 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Bumuhos ang suporta mula sa ilang mga personalidad para sa ABS-CBN, sa gitna ng pagbasura ng Kongreso sa apikasyon sa bagong prangkisa nito. 

Si Miss Universe Catriona Gray, sinabing ipinagdarasal niya ang mga taong nakuha pang magsaya sa kabila ng pagsasara ng network. Magpapatuloy aniya ang buhay, pero diin niya - we will never forget. 

Pati ang GMA star na si Jennylyn Mercado, nakisimpatiya para sa ABS-CBN. 

Pakiusap ni Mercado sa mga nagsasabi na okay lang sila sa pagsasara ng network na ilagay ang sarili sa posisyon ng mga empleyadong mawawalan ng trabaho. 

Kinuwestiyon din ni Mercado ang iginigiit na "law is law" bilang pamantayan para ibasura ang franchise application ng network. 

Biyernes nang ibasura ng House Committee on Legislative Franchises ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa panibagong prangkisa. 

Maaalala ring ilang buwan nawala sa himpapawid ang network sa bisa ng utos ng National Telecommunications Commission. 

May ilan ding mga Kapamilya stars na inihayag sa social media ang kanilang dismaya sa naging hakbang ng Kongreso, gaya nina Anne Curtis, Liza Soberano, at Sarah Geronimo. 

Ang "It's Showtime" host na si Vice Ganda, napa-walk out pa habang inaawit ang theme ng palabas dahil hindi umano niya kinaya ang bigat ng kaniyang pakiramdam sa nangyari. 

Ang aktres na si Angel Locsin, nanawagan din sa taumbayan na gamitin ang kanilang boses para tutulan ang naging pagbasura sa prangkisa.

"Nakikiusap po ako: Now is the time gamitin natin 'yung boses natin sa tama. Naniniwala din po ako na ang isang kompanya na may magandang hangarin para makatulong sa ating mga kababayan, lalo na sa gitna ng pandemya, ay kailangan na kailangan natin," ani Locsin. 

Nagpasalamat si Regine Velasquez-Alcasid sa 11 kongresistang sumuporta sa ABS-CBN franchise. 

Sigaw ni Martin Nievera, kung sa tingin ng Kongreso ay naparusahan nito ang network ay nalumpo aniya nila ang bayan. 

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.