Ilang komedyante rumaraket muna dahil sa limitadong trabaho

MJ Felipe, ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 06:19 PM | Updated as of Jul 02 2020 09:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sunod-sunod nang nagsasara ang negosyo ng ilang artista dahil sa pagkalugi dulot ng pandemyang COVID-19 pero sinasalba pa rin nila ang ilan sa kanilang empleyado kahit walang kita.

Dahil sa matinding pagkalugi, nagsara na ang comedy bars na "Klownz" at "Zirkoh" sa Quezon City. 

"Maraming salamat sa lahat nang naging bahagi ng Klownz comedy bar. Sa mga tumangkilik, nakisaya, nakitawa at sinamahan kami sa loob nang 18 years, salamat nang marami," sabi ni Allan K at iba pang may-ari ng bars. 

Apektado ang mga stand-up comedians, talents, at iba pang staff pero makatatanggap sila ng cash assistance at 13th month pay. 

Gaya ng Klownz at Zirkoh, sarado na rin ang Laffline comedy bar, ayon kay Anton Diva, isang komedyanteng nagtatrabaho doon. 

At dahil walang trabaho, naisip ni Anton Diva na mag-"quaran-sing" sa Facebook. Kada kanta niya, nagbibigay ng tip ang mga nanonood. 

"Eh wala naman talagang trabaho eh. Bakit pa ako mahihiyang mag-post na humihingi ako ng tulong. Eh kailangang ko naman ng tulong. I'm just being realistic."

Sa Instagram naman dumiskarte ang isa pang komedyante na si Alora Sasam. Dahil zero ang taping at income, ang pagtitinda ng libro ang nagsalba sa kaniya.

"Nakapagpadala pa rin ako ng pera sa Mindanao, meron pa din akong allowance for myself. Pangkain ko. Hindi rin siya dapat ikahiya kasi ang goal lang naman natin this year is to survive."

Samantala, buhay pa at wala pang nagsasara sa mga salon ni Vina Morales.

Balik-operasyon na ang mga branches nila sa probinsya, pero hirap sila sa buwanang kita sa Maynila dahil gupit pa lang ang pinapayagan.

Nanatiling sarado naman ang wellness spa ni Liza Soberano dahil sa quarantine restrictions. Umuwi muna sa probinsya ang ilan niyang staff na naabutan na niya ng tulong. 

Tumiklop na rin ang KTV at restaurant business ni Karylle sa Makati. Labindalawang taon din tumagal ang negosyo na sinimulan nila noon ni Dingdong Dantes. 

Mawawalan ng trabaho ang ilan nilang empleyado, pero meron namang malilipat sa bagong bubuksang negosyo, ani Karylle. 

Sa restaurant business naman ni Enchong Dee, wala ni isang empleyadong tinanggal kahit bangkarote ang kita. 

"Ako tinanggap ko na for two years na wala akong kikitain... I really want to protect the people that works for me. Ang ginawa namin itong sampung ito ngayong linggo, next week 'yung sampu naman para lahat may pagkakataong kumita," ani Dee.

Sa kaniyang negosyong paupahan, hindi rin muna siningil ni Dee ng 3 buwang upa ang mga rumerenta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.