Tricycle driver na nag-ipon para sa cellphone ng anak tampok sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2020 02:39 PM

Watch more in iWantTFC

Nag-viral kamakailan ang larawan ng isang mag-ama mula Carmona, Cavite kung saan niregaluhan ng tatay ng bagong cellphone ang kaniyang ga-graduate na anak.

Maraming netizens ang naantig ang puso sa kuwento ni Edwin Bayson dahil nag-ipon siya mula sa pamamasada ng tricycle para maibili ng cellphone ang anak na si Derwin.

Itinampok sa "ASAP Natin 'To" ngayong Linggo ang kuwento ng mag-ama, kasabay ng pagdiriwang ng Father's Day.

Bagaman nawalan ng trabaho bilang pahinante si Edwin, nagdoble-kayod siya bilang tricycle driver para maitaguyod ang pamilya.

Sa loob ng 4 buwan, nag-ipon siya mula sa kita bilang driver para mabili ng regalong cellphone si Derwin, na nagtapos ng kursong applied computer engineering.

Sa kaniyang mensahe sa ama, nangako si Derwin na darating ang panahong susuklian niya ang lahat ng sakripisyo ni Edwin para sa kanilang pamilya.

Alay ni Gary Valencinao ang kantang "I Will Be Here" para kay Edwin at sa lahat ng magigiting na tatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.