BALIKAN: Karera ng batikang aktres na si Anita Linda

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 04:34 PM | Updated as of Jun 10 2020 07:29 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Pumanaw na ang beteranang aktres na si Anita Linda sa edad na 95, umaga ng Miyerkoles, ayon sa kaniyang pamilya.

Heart failure ang ikinamatay ng sine Pilipino idol sa bahay nito sa Las Piñas City, ayon sa anak niyang si Francesca Legaspi. 

Ilang araw na rin siyang hirap sa paghinga at mayroon siyang late-stage dementia. 

Alice Lake sa tunay na buhay, pinakislap ng American-Ilongga beauty ang Philippine Cinema mula 1943 sa mga pelikula tulad ng "Sawa sa Lumang Simboryo" at "Sisa" gayundin sa mga obra na "Hellow Soldier" ni Lino Brocka, "Sister Stella L" ni Mike De Leon, "Lola" ni Brillante Mendoza at "Adela" ni Adolf Alix. 

Tumatak din ang pagganap niya sa "Caregiver" at "The Mistress" ng Star Cinema. 

Hanggang sa mga huling sandali ng kaniyang buhay, aktibo si Anita sa paggawa ng pelikula. 

Nakasama pa niya si Eddie Garcia sa huli niyang pelikulang "Circa" ni Alix tungkol sa isang showbiz icon na nakipag-reunion sa kaniyang mga kasamahan. 

Ginawaran din siya ng natatanging lifetime achievement award sa pagdiwang ng sentenaryo ng Philippine movie industry. 

INALALA

Bukod sa pagiging magaling na aktres, matatandaan din si Anita Linda sa pagtaguyod niya noon sa kapakanan ng mga manggagawa sa movie industry, ayon kay Alix. 

Ito aniya ay kahit makomproiso ang kaniyang movie contract. 

Palabiro din daw si Anita Linda kung saan ginawa niyang running joke na nakalimutan niya ang mahahaba niyang diyalogo. 

Inalala din ni Legaspi ang pagmamahal ng ina sa showbiz industry. 

"She lived a good life. Love niya ang showbiz. Sobrang pasasalamat namin because everyone had been good to her. Love siya ng lahat," ani Legaspi. 

Nagpapasalamat din ang pamilya ni Anita na naging maganda ang buhay ng aktres na minahal ang industriya nang mahigit 70 taon. 

Kaagad na pina-cremate ang mga labi ng aktres sa Manila Memorial Park sa Parañaque. 

Isasapinal pa ang mga detalye kung itutuloy ang pagburol sa kaniya. -- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News