Napipintong balik-ere ng Kapamilya shows sa cable TV ikinatuwa ng publiko

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 11:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinagalak ng mga manonood ng ABS-CBN ang pagbabalik-ere ng network sa mga cable platform, mahigit isang buwan matapos mapaso ang prangkisa nito at tumigil ang pag-ere sa free television. 

Kasunod ito ng anunsiyo na mapapanood na ang piling palabas ng network simula Hunyo 13 sa iba’t ibang cable channel ng ABS-CBN. 

Maaalalang napatigil ang operasyon ng network noong Mayo dahil sa inilabas na cease and desist order ng National Telecommunications Commission. 

Pero sa darating na Sabado, mapapanood na sa Sky, Cable Link, G-Sat, at sa karamihang channel operators ng Philippine Cable Television Association sa buong bansa ang Kapamilya network. 

Ikinatuwa naman ito ng mga manonood mula Ilocos Norte. 

“I’m not just more than happy but I’m the happiest kasi nga mapapanood na muli ang ating mga Kapamilya shows in some channels in Sky Cable and even my mom pati nanay ko sobrang saya,” ani Lew Jerez, residente ng bayan ng Batac. 

Nagbubunyi rin si Perto Fernandez ng Dagupan. 

“Nagpapasalamat ako sa ABS-CBN at bumalik na sa ere at dahil diyan lang ako nanonood ng balita at saka ’yung mga teleserye nila pinapanood ko ’yan lalo kaming mga retired na nasa bahay lang. Diyan lang talaga ako nanonood sa ABS-CBN,” ani Fernandez. 

Sa Naga City, ipapalabas din ng iba pang cable company ang Kapamilya channel. 

“In-advise na namin ’yung subscribers namin by June 13 mapapanood nila,” ani Ma. Victoria Estelloso ng DCTV Cable Network Broadband Service,

Ramdam din ang tuwa ng mga manonood sa Cagayan de Oro, Tacloban at iba pang mga rehiyon. — Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.