Umano'y pagsayaw ni Kim Chiu ng 'Bawal Lumabas' sa kalsada, iimbestigahan ng MMDA

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 11:26 AM | Updated as of Jun 03 2020 03:23 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Kim Chiu 🌸 (@chinitaprincess) on

MANILA — Kinumpirma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Miyerkoles, na iniimbestigahan nito ang video ng umano'y pagsasayaw ng aktres na si Kim Chiu sa gitna ng traffic sa EDSA. 

Sa kumalat na maiksing video mula sa Instagram story ng aktres na si Angelica Panganiban nitong Lunes, unang araw ng general community quarantine sa Metro Manila, makikita si Chiu na bumaba sa tabi ng minamanehong sasakyan sa gitna ng kalsada. 

Makikita rin ang pila ng mga sasakyan sa unahan ni Chiu nang animo'y sumayaw siya habang tumutugtog ang kaniyang kantang "Bawal Lumabas." 

Nangyari umano ang insidente sa EDSA, ayon sa mga komento sa social media. 

“We will verify if this video of the actress really happened in EDSA. If it did, We will summon/invite her to explain her side and from there we will act accordingly," sabi ni MMDA spokesperson Celine Pialago sa text message. 

"Marami po tayong problema na kailangan pong unahin at pagtuunan ng pansin kaya po sa ngayon ito po muna ang reaksyon ng aming opisina sa issue," dagdag niya. 

Nagpaalala pa rin si Pialago na ipinagbabawal ang pagsayaw sa mga pangunahing kalsada tulad ng EDSA. Ginamit niyang halimbawa ang "Kiki Dance challenge" na nag-viral at ginaya ng ilang motorista noong 2018. 

Sa challenge, sumasayaw ang isang motorista sa kantang "In My Feelings" ni Drake kasabay ng umaandar na sasakyang nakabukas pa ang pinto. 

Binalaan noon ng MMDA ang gumaya sa dance challenge na haharap sila sa kaso tulad ng reckless driving at jaywalking. 

Hango naman ang kantang "Bawal Lumabas" ni Chiu sa kaniyang pahayag ng pagsuporta para sa prangkisa ng ABS-CBN Corp. Nag-viral ang komento ng aktres dahil hindi maintindihan ng ilang kritiko.