‘Umagang Kay Ganda’, umarangkada online

ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 03:28 PM | Updated as of May 28 2020 03:49 PM

MAYNILA – Nagbalik ang pang-umagang programa ng ABS-CBN na “Umagang Kay Ganda” (UKG) nitong Huwebes. 

Live na napanood ng netizens ang "UKG" sa kanilang official Facebook page.
 
Para sa muling pagbabalik ng UKG, muling nagsama-sama sa kuwentuhan sina Winnie Cordero, Jeff Canoy at Jorge Cariño. 

“Hello po sa Facebook. Ibang-iba ang format natin ngayong magandang umaga at sana ay okay kayong lahat. Alam ko miss na miss niyo na ang 'UKG' pero alam ko miss na miss niyo na ang ating barkada,” ani Canoy. 
 
“Kami po ay live and alive sa Facebook page ng ‘Umagang Kay Ganda’ … alam niyo naman po wala pa sa ere ang ABS-CBN. Kasi mayroon akong naulanigang comment mas gusto niya raw manood sa TV para mas malinaw,” dagdag naman ni Cordero.

Sa programa, muli ring nagturo si Cordero ng isang simpleng recipe gamit ang meatloaf na maaring nakakasama sa mga ayudang ibinibigay ngayong panahon ng lockdown.

Ipinakita ni Winnie kung paano lutuin ang bersiyon niya ng Meatloaf with Baguio beans.

Nagbigay naman si Cariño ng update sa kaso ng COVID-19 sa bansa, samantalang update naman sa pasukan ang ibinigay ni Canoy.

Ayon sa tatlo, pipilitin nilang regular na makasama ang mga manonood ng "UKG" at netizens sa Facebook.

“Huwag po kayong mag-aalala, pipilitin po natin na maging madalas ang kuwentuhan natin tuwing umaga,” ani Jorge.

Matatandaang huminto sa pag-ere ang "UKG" nang ipatigil ng National Telecommunications Commission ang ABS-CBN sa pagbobrodkast noong Mayo 5.

Narito ang pagbabalik ng "UKG" barkada: