Maymay, napaiyak sa muling pag-uusap nila ni Big Brother

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 01:22 PM

MAYNILA — Naging maramdamin ang tagpo sa muling pag-uusap nina Pinoy Big Brother o Kuya at kanyang dating housemate na si Maymay Entrata, ang big winner sa “PBB: Lucky 7.”

Sa “PBB: Balikbahay Stay at Home Edition,” narinig pa lang ang pagtawag sa kanyang pangalan ni Kuya ay hindi na napigilan ni Maymay ang lumuha.

“Naiiyak ako. Kuya, I miss you. Kumusta ka na? 'Di nagpaparamdam, di mo naman ibinigay number mo paglabas ko,” ani Maymay kay Kuya.
 
Pag-amin ni Maymay, nalulungkot siya sa nangyayari ngayon dala ng pandemikong sakit na COVID-19.

“Nalulungkot ako, Kuya, kasi kapag iniisip ko, for example kami rito bored na bored na kami rito, ano ba ang gagawin, ganyan. Pero iniisip na lang namin kung gaano kahirap 'yung ibang tao. Minsan pala iisipin mo rin ang pinagdadaanan ng ibang tao, gaya ng mga tao na kulang ang pangangailangan nila sa araw-araw. Lalo na nakita ko 'yung video na ‘napakahirap maging mahirap’ kaya patuloy pa rin sa trabaho sila. Wala silang choice,” ani Maymay.

“Kaya masaya ako nung naging parte kami ng Pantawid ng Pag-ibig kung saan puwede silang magbigay ng donasyon po, para makatulong. Makapag-provide sila sa mga taong nangangailangan. Importante rin, Kuya, na huwag tayong magpakain sa pangamba at takot. Siguro piliin natin na mas maging positibo tayo para sa magandang kinabukasan ng bawat isa. Kasi hindi po nakakatulong kapag takot ka lang,” dagdag ni Maymay.

Matapos maiyak, balik ang kakulitan ni Maymay nang ibalita niya kay kuya na 10 kilo na ang nadagdag sa kanyang timbang.

Inamin din ni Maymay na nami-miss na niya ang mga kaibigan, kabilang na ang kanyang love team partner na si Edward Barber.

Samantala, naging seryoso ang usapan nang ibahagi ni Kuya kay Maymay ang mga bagay na dapat sundin para maiwasan na kumalat ang coronavirus.
 
Narito ang mapusong usapan nina Maymay at Big Brother:

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.