Ogie, handang tumulong kay 'Tawag' champ Noven

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2017 11:02 AM

MANILA - Ilan sa pinakamasaya sa pagkakapanalo ni Noven Belleza bilang champion ng "Tawag ng Tanghalan" ang mga haligi ng Original Pilipino Music at naging hurado ng contest na sina Rey Valera at Ogie Alcasid.

Ayon sa dalawang award-winning singer at songwriter, inspirasyon si Noven sa mga nagpupursige ring maabot ang kanilang mga pangarap.

"Noven, ang sikreto mo kung bakit mahal ka namin at mahal ka ng masa ay dahil sa tingin namin ay hindi ka nagbabago at 'yon pa rin ang puso mo," ani Rey.

"Ang laki ng inspirasyon na ibinibigay mo sa amin. Ang ganda ng kwento mo. At higit sa lahat ay binigyan mo ng pagpapahalaga 'yung ibinigay sa iyo ng Panginoon and that is your voice," ani Ogie.

Si Rey na maraming walang kupas na hit songs ay humanga kay Noven sa version nito ng isang kanta.

"Actually, nung kinanta niya 'yung 'Malayo Pa Ang Umaga,' 'yun maghi-hit yon. Para sa akin, nung kinanta niya 'yon, 'yun na, superstar ka na, kuya," aniya.

Hindi naman magiging maramot si Ogie kung hihilingin ang kantang likha niya ng "Tawag ng Tanghalan" champion kung makakatulong ito sa pagsisimula ng kanyang singing career.

"Lagi naman akong ganoon. Ako kung sino ang humingi, bibigyan ko naman talaga, lalong-lalo na ang isang katuld ni Noven na talagang napaka-inspiring ng kwento niya," ani Ogie.

Ngayong instant celebrity na si Noven at mga kasama niyang finalist ng "Tawag ng Tanghalan," patuloy silang magiging halimbawa na kayang maabot ang pangarap basta pagsisikapan at determinado na makamit ito.