Pamilyang nangungupahan ng kuwarto nanalo ng house & lot sa ‘Showtime’

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2020 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Dream come true para kay Marissa Rocha ang umuwi nang may house and lot matapos manalo sa "PiLing Lucky" segment ng "It's Showtime."

Hindi akalain ni Rocha na sa kaniyang piniling garapon ay iuuwi niya na ang pangarap na bahay at lupa.

Natutulog at kumakain sa isang maliit na kuwarto sa Sta. Ana, Maynila sina Rocha at kaniyang asawa kasama ang kanilang 1-taong gulang na anak.

"Sa wakas po makakalipat na kami. Makakawala na po kami sa pangungupahan at medyo may kamahalan din po. Sobra po nagpapasalamat ako sa Panginoon," aniya.

Kuwento ni Rocha, kuntento naman sila sa maliit na kuwarto na inuupahan pero kinailangan na nilang umalis at maghanap ng bagong matitirahan dahil ibebenta na raw ito.
    
Kaya nang mapanood sa "It's Showtime" na house and lot ang jackpot prize ay agad daw sila naengganyong sumali.

"Bago po kami pumunta sa 'It's Showtime' nagdasal po muna kaming mag-anak para ma-bless po kami then 'yun po nasagot naman po 'yung dasal namin," aniya.

Ipinakita nitong Sabado sa noontime show ang house tour nila Rocha sa kanilang forever home. —Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.