SAPUL SA CCTV: 7 binatilyo ninakaw ang mga sinampay ng kapitbahay

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2020 06:13 PM

Watch more in iWantTFC

TABACO CITY, Albay — Sapul sa CCTV ang nangyaring pagnanakaw ng mga sinampay ng isang grupo ng mga binatilyo sa Barangay San Roque noong Linggo. 

Ayon sa may-ari ng CCTV footage na si Aldy Po, nangyari ang pagkuha sa mga sinampay pasado alas-2 ng madaling araw, kung saan 7 kabataang lalaki ang kitang nagnakaw.

Ang pamilya Brimbuela ang may-ari ng bahay. Anila, nabigla na lang sila kinaumagahan nang makitang nagkalat ang mga hanger sa labas ng kanilang bahay. 

Sabi ng barangay chairman na si Juan Corporal, nahuli na nila ang 7 suspek, na pawang mga menor de edad. 

Ipinatawag na ni Corporal ang mga magulang ng mga suspek at binigyan muna sila ng warning. 

Oras daw na maulit pa ang pagnanakaw ng mga ito, magulang na ang sasampahan ng kaso ng barangay dahil sa kapabayaan.

—Mula sa ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.