Trabaho sa transport at logistics, 'in demand' sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2018 07:58 PM | Updated as of Jul 18 2019 12:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaasahang makalilikha ng 220,000 na trabaho sa bansa ang industriya ng transport at logistics sa mga susunod na taon hanggang 2022.

Kabilang sa mga trabahong magiging in-demand umano ang drivers o truck drivers, warehouse staff, product dispatcher, administration staff at forklift operator.

"We will be needing more analysts, more data gatherers and we will also have more employees in the IT (information technology) sector," ani Trade Undersecretary Rowel Barba.

Isa sa mga nasa industriya ng logistics ang 47 anyos na warehouse supervisor na si Pedro Decena Jr.

Dahil umano sa magandang pasahod, tumagal siya ng 26 taon sa kaniyang kompanya.

"Tinitingnan namin 'yong mga cargo na darating," paglalarawan ni Decena sa kaniyang trabaho.

May mga institusyon ding nag-aalok ng pagsasanay para sa mga interesadong pumasok sa mga trabahong may kinalaman sa logistics, gaya ng Academy of Developmental Logistics sa Parañaque at Technical Education and Skills Development Authority.

"Malaki talaga ang demand ngayon sa logistics dahil siyempre hindi mawawala na ibabiyahe natin 'yong mga goods natin 'di ba?," ani April Lina-Arboleda ng Academy of Developmental Logistics.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.