Di puwedeng kontrolin ng China: Main control room ng NGCP ipinasilip

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 07:39 PM | Updated as of Nov 28 2019 08:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nanindigan ang mga tauhan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na hindi maaaring i-remote control ng China ang grid ng Pilipinas dahil hindi umano ito konektado sa internet.

Naging sentro ng atensiyon ang NGCP kasunod ng pahayag ni National Transmission Corporation (Transco) President Melvin Matibag na puwedeng isabotahe mula China ang power grid ng Pilipinas dahil porsiyento ng national grid ay pag-aari ng State Grid Coporation of China.

Pero tiniyak ni NGCP Spokesperson Cynthia Alabanza na nasa kamay ng mga Pilipino ang power grid ng bansa.

"Ina-assure ho namin na nasa kamay ng Pilipino 'yan at hindi namin pahihintulutan ang ano mang masamang mangyari sa Philippine grid," ani Alabanza.

Itinanggi rin ni NGCP chief technical officer Santiago Dimaliwat IV na makokontrol ng China ang grid ng bansa.

"Itong SCADA namin ay standalone, hindi siya connected sa internet," aniya.

Pinuntahan ng ABS-CBN News ang main control room ng NGCP sa Quezon City para ipakita ring puro Pilipino ang nagpapatakbo ng pasilidad

Bukas ang NGCP sa imbestigasyon ng Senado pati ang hirit na inspeksiyunin ng mga opisyal at i-audit ang sistema ng ahensiya.

"Ang pangangasiwa ng NGCP sa transmission system, 'yan po ay base sa kontrata at prangkisang galing sa Kongreso mismo," ani Alabanza.

"Sinusunod namin lahat ng panuntunan na binibigay ng gobyerno dito," dagdag niya.

Samantala, nanindigan ang China na walang basehan ang paratang na kontrolado nila ang electricity grid ng Pilipinas.

Hindi na raw kailangang mag-alala dahil wala naman talagang dapat ikabahala.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.