P208-B mula Malampaya fund gagamitin pansalo sa dagdag-singil sa kuryente

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2019 08:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Puwede nang gamitin ng gobyerno ang daang-bilyong pisong Malampaya fund bilang pangsalo sa dagdag-singil sa kuryente para hindi na ipasa pa sa mga konsumer.

Bahagi ito ng patakaran sa pagpapatupad ng Murang Kuryente law.

Pinayagan nang kumuha ng P208 bilyon mula sa Malampaya fund para ipambayad sa utang ng National Power Corporation, na ipinapasa sa lahat ng consumer.

"'Yong mga kasalanan noong mga nakaraan ay dapat hindi ipasa sa ating mga consumer," ani Energy Undersecretary Felix William Fuentebella.

Pero hindi kasali sa sasaluhin ng Malampaya fund ang binabayaran ngayon ng mga konsumer na P0.09 kada kilowatt hour (kWh) na parte rin ng mga dati pang utang.

Ang mabubura ay ang nakabinbing petisyon para sa dagdag-singil ng kuryente na P0.86 kada kWh.

"Kung wala iyong Murang Kuryente act, maraming naka-pending na submitted for resolution na maaaring kung dedesisyunan namin ngayon, mapapataw dapat ng 2020," ani Energy Regulatory Commission Spokesperson Rexie Baldo-Digal.

Dapat isali na rin sa mabubura ang nasa bill ngayon ng konsumer, ayon naman sa Meralco.

"We are suggesting that to give consumers immediate relief from the universal charge... the current charges also be funded," ani Larry Fernandez, head ng utility economics ng Meralco.

Samantala, sa ikatlong sunod na araw, isinailalim na naman sa yellow alert ang buong Luzon grid, na nangangahulugang manipis ang reserbang kuryente.

Bunsod ito ng pagpalya ng sangkaterbang planta ng kuryente.

Bukod sa mga naka-schedule na maintenance, 4 na planta ang nag-emergency shutdown kaya nabawasan ang reserbang kuryente, pero hindi naman nauwi ang mga ito sa brownout.

"Usually 'pag yellow alert, ang nakita natin epekto ay tumataas ang presyo sa spot market," ani Fernandez.

Sakaling mayroon, sa January bill na papatak ang epekto ng yellow alert.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.