Maynilad, Manila Water nagpaliwanag sa pagpapalit ng water meter

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2020 04:04 PM

Water meters sa Barangay Cembo sa Makati City noong Setyembre 25, 2019. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Sina Marcia Batac mismo ang nagpapalit ng metro nila sa Maynilad dahil hindi raw tama ang basa ng kanilang konsumo sa tubig.

Pero kahit napalitan na ang kanilang metro, may agam-agam pa rin sina Batac na baka lalong lumobo ang kanilang bayarin.

"Nagulat kami na tumaas ang bill namin... dapat nga bumaba pa kami kasi ang billing namin 'di naman tumataas nang ganoon kalaki," ani Batac.

"Nag-aalala kami if ever, 'di rin namin alam kung tataas siya ngayon o bababa," aniya.

May ilang konsumer din kasing tumaas ang bill matapos pinalitan ang metro.

Pero nilinaw ng Maynilad at Manila Water na regular ang pagpapalit ng metro at kasali umano ito sa kontrata ng kostumer ng mga water concessionaire.

Kada 5 taon ang palit-metro ng Maynilad, ayon sa tagapagsalita ng concessionaire na si Zmel Grabillo.

Tuwing 7 taon pinapalitan ng Manila Water ang metro ng mga kostumer, sabi ng tagapagsalitang si Jeric Sevilla.

Dahil nakatiwangwang lang sa labas ang mga metro, habang tumatagal, hindi na raw nagiging accurate ang basa ng konsumo.

Ipinaliwanag din nina Grabillo at Sevilla na sakaling tumaas ang konsumo kapag bagong palit ang metro, ito ay dahil iyon talaga ang konsumo ng kostumer.

"Kung talagang may pagtaas versus sa dati, isa lang po ang ibig sabihin niyan. 'Yon po ang nagamit nila," ani Grabillo.

"Ito ay nag-reflect lang ng tamang accurate na consumption," ani Sevilla.

Sakaling hindi kuntento ang kostumer sa basa ng metro, puwede naman daw mag-request na mag-water meter test para talagang masukat kung tama ang basa sa konsumo.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.