GSIS may pautang para sa mga miyembro na gustong makabili ng desktop, laptop

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2020 10:55 AM

The Government Service Insurance System (GSIS) building in Pasay. September 20, 2017. Jonathan Cellona ABS-CBN News

MANILA - Ilulunsad ng Government Service Insurance System o GSIS ang isang computer loan program para matulungan ang mga miyembro nito sa kanilang trabaho at online classes.

Ayon sa GSIS, maaaring makautang ang mga kwalipikadong miyembro ng hanggang P30,000 para makabili ng desktop o laptop computer. 

3 taon ang ibinibigay ng GSIS para mabayaran ang utang, na may interes na 6 na porsiyento kada taon. Otomatikong ikakaltas sa sahod ng borrower ang amortization. 

“Alam nating lahat na marami sa GSIS members at mga anak nila na nag-aaral ang nangangailangan ng computer. Pwede ring gamitin ito para sa Wi-Fi expense ng miyembro. Halimbawa, kung bumili sila ng computer na nagkakahalaga ng P25,000, ‘yung sobrang P5,000 sa proceeds ay pwede nilang gamitin sa load o pambayad sa Wi-Fi expense. Wala pang isang libo ang monthly amortization kaya abot-kaya ng marami," sabi ni GSIS President at General Manager Rolando Ledesma Macasaet sa isang pahayag.

Maaaring makautang ang mga miyembro kung sila ay:

  • aktibong miyembro na nakabayad ng 'at least' 3 buwan na premium 
  • mayroong permanent appointment
  • hindi naka 'leave of absence without pay' ang status
  • walang nakabinbin na administrative o criminal na kaso
  • walang arrears o dating utang na kailangan pang bayaran sa ilalim ng GSIS Financial Assistance Loan (GFAL)
  • walang "past due" na utang sa GSIS maliban kung ito ay housing loan

Kailan ding mayroong net take-home pay na hindi bababa sa naaayon sa General Appropriations Act matapos kaltasin ang lahat ng obligasyon. 
 
Kung kwalipikadong makautang, direchong ike-credit ito sa GSIS eCard o Unified Multipurpose Identification (UMID) card ng miyembro na aabisuhan ng GSIS sa pamamagitan ng text message o email kung na-credit na ito. 

Maaaring mag-apply ng computer loan over-the-counter sa mga GSIS branches at extension offices nito nationwide o sa GWAPS Kiosks, ayon sa GSIS.

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.