Lokal na produksiyon ng manok nabawasan; maraming 'family farms' apektado: UBRA

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2020 12:00 PM | Updated as of Oct 21 2020 03:08 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Umaaray ang mga nag-aalaga at may-ari ng manukan sa bansa dahil sa patuloy na pag-angkat ng manok mula sa ibang bansa. Dahil dito, halos 30-40 porsiyento ang ibinawas sa kanilang lokal na produksiyon.

Ayon kay Atty. Bong Inciong, presidente ng United Broiler Raisers Association o UBRA, maraming "family farms" ang nakakaranas ng epekto nito.

“Marami nang tumigil hindi raw talaga kaya na. Yung mga family farms po ang mauuna diyan tapos siguro yung ilang malalaki magbabawas, titigil. Ganun ho mangyayari. Thirty to 40 percent na ang nababawas sa production,” sabi ni Inciong.

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Inciong na nakikibagay na lamang ang kanilang grupo sa dating ng importasyon na mga manok, batay umano sa sinabi ng Department of Agriculture sa kanila.

“Ang nangyayari parang 2 steps backward, one step forward. Pagkabumagsak ang presyo, atras ang mga nagkakarga ng mga sisiw. Pag tumaas ang presyo, nadadagdagan. Ganun na lang ho yun,” sabi ni Inciong.

Bago umano magkaroon ng pandemya, karamihan sa imported na manok nakikilahok sa tinatawag na hotel, restaurants institutions tulad ng mga fastfood kaya nagkakaiwasan pa umano ang mga produktong imported at lokal na mga manok.

“Nung nawala yung HRI, nag-aagawan na doon sa tinatawag na household market. Nag-aagawan na diyan. Hindi talaga mananalo ang lokal dahil napakamura talaga nung imported, dahil malaking tulong ang natatanggap ng farmers sa ibang bansa, highly subsidized sila, dekada na ang binibilang nila na tulong sa kanilang agricultural sector. Dito sa atin, wala tayong karanasan” giit niya.

Marami aniya sa family farms ang sumusubok na itawid ang negosyo habang ang iba ay nagbebenta na ng mga ari-arian para makakalap ng pondong maibibigay bilang separation pay sa kanilang mga tao.

“Maraming matitigil, ang matitira diyan siguro yung malalaking korporasyon saka foreign companies na nandidito. Yung mga family farms po, marami ang mawawala pero yung mga mahaba ang pisi, ipagdasal natin na marating nila yung yugto na makakabawi na,” dagdag niya.