Produksiyon ng hamon babawasan; 10,000 seasonal jobs apektado dahil sa ASF

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 08:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nasa 10,000 potensyal na trabaho ang maaaring mawala sa processed meat industry dulot ng takot sa African swine fever (ASF).

Ayon sa mga taga-industriya, magbabawas kasi ang mga manufacturer ng produksiyon ng hamon ngayong Kapaskuhan, dahil sa inaasahang epekto ng ASF sa kanilang benta.
    
Sabi ng Philippine Association of Meat Processors Inc. (PAMPI), 10 hanggang 15 porsiyento ang siguradong mababawas sa nationwide sales o benta ng processed meat dahil sa pork ban ng Cebu at Bohol.

Kaya para hindi na lumala pa ang lugi, babawasan rin nila ang produksiyon ng hamon ngayong Pasko na posibleng makaapekto sa hiring ng seasonal workers.

"Magbabawas ang seasonal employers. Hopefully it will not result to layoff," ani Jerome Ong, vice president ng PAMPI.

Pero ayon sa PAMPI, walang dahilan para matakot ang publiko na kumain ng processed meat.

Lahat kasi ng processed meat ay niluluto sa temperaturang 75 to 116 degrees, mas mataas sa 60 degrees na kailangan para mapatay ang ASF virus.

Apela ng processed meat manufacturers, mamagitan na si Pangulong Rodrigo Duterte para hindi na maapektuhan ng ASF scare ang kanilang industriya, na nagbibigay ng P300 bilyon sa ekonomiya kada taon.

EPEKTO SA LECHON BUSINESS

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, kahit wala pang kumpirmadong kaso ng ASF sa Barangay La Loma, Quezon City, aminado ang mga tindera dito na apektado na rin ang kanilang negosyong lechon.

Ayon sa asosasyon ng mga lechoneros, apektado na ang benta nila sa kada kilo.

"Per kilo at least nawala sa amin 40 percent kasi 'yung scare nila kala nila may swine fever sa La Loma... Nagbawas kami ng mga kakatayin namin," sabi ni La Loma Lechoneros Association president Ramon Fererros.

Nito lamang Biyernes, sinabi ng Quezon City na hindi bababa sa 8 baboy ang nagpositibo sa ASF sa barangay ng Bagong Silang at Payatas.

May basbas na ni Acting Agriculture Secretary William Dar ang pagpatay ng mga baboy sa Quezon City.

—Ulat nina Zen Hernandez at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.