Pinahabang grace period sa pagbayad ng tubig, kuryente pag-aaralan ng ERC, MWSS

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2020 06:39 PM

MAYNILA - Pinag-aaralan pa ng water at energy regulators ng bansa kung paano ipatutupad ang "grace period" sa pagbabayad ng singil sa tubig at kuryente na nakasaad sa Bayanihan 2 law.

Sa ilalim ng batas na Bayanihan 2, magkakaroon ng 30 araw na grace period sa pagbabayad sa bill sa tubig at kuryente ngayong mayroon pa ring COVID-19 pandemic. 

Sinabi naman ng Meralco na pasok na ang palugit sa dati pa nilang anunsiyo na hanggang dulo ng Oktubre ang deadline para mabayaran ang mga natenggang bill noong lockdown. 

Pero ang Energy Regulatory Commission pa rin ang may pinal na desisyon kung paano ipatutupad ang grace period sa singil sa kuryente, ayon sa commissioner nilang si Rexie Baldo-Digal. 

"Sa susunod na linggo, maaasahan ng ating mga [consumer] na kami ay maglalabas ng kung ano man isang advisory o directive para ma-implement kung ano po ang nakalagay sa Bayanihan Act," ani Digal. 

Ganito rin ang pasya ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), na nagsabing pag-aaralan nila kung pasok ito sa deadline ng pagbabayad ng Maynilad at Manila Water bills na natengga noong lockdown sa Metro Manila. 

Samantala, inapela ng Meralco ang desisyon ng ERC na nagpataw ng multa sa kompanya dahil sa kaguluhang idinulot ng kanilang mga bill noong Abril at Mayo. 

Tanggap naman daw ng Meralco ang P19 milyong multa pero kinuwestiyon nila ang dagdag-diskuwento para sa mga lifeline users na aabot sa P200 milyon. 

Agad na nagtakda ng pagdinig sa Lunes ang ERC para dinggin ang motion for reconsideration ng Meralco. 

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.